Home METRO 20 babae nasagip sa raid sa bar sa Cebu

20 babae nasagip sa raid sa bar sa Cebu

MANILA, Philippines – Nasagip ng mga awtoridad ang 20 kababaihan na biktima ng human trafficking mula sa establisyimento sa Mandaue City.

Ayon sa National Bureau of Investigation (NBI), nag-aalok ng extra o adult services ang naturang mga kababaihan.

Nanguna ang mga ahente ng NBI-Cebu District Office (Cebdo) sa pagsalakay sa isang bar sa kahabaan ng A.S. Fortuna Street sa Brgy. Banilad, Mandaue City.

Naaresto rin ang isa sa supervisor ng bar, na nakilalang si Rizal Novela na maaaring maharap sa kaso ng paglabag sa anti-human trafficking laws.

Nag-ugat ang operasyon sa tip ng concerned citizen na umano’y may mga empleyado ang JTV Bar na sangkot sa prostitusyon.

Napatunyan naman ito sa pamamagitan ng undercover agents. Natuklasan din na maraming nagtatrabaho na receptionist bilang mga ‘customer care assistants.’

Sa halagang P600, magkakaroon na ng unlimited drinks ang kostumer saka ipapakilala sa kanila ng store manager o tinaguriang “Mamasang” ang kanilang ‘customer care assistants.’

Karamihan sa mga kababaihan ay single mother o kaya ay gipit sa pera.

Nakipagkasundo ang undercover agent na kumuha ng dalawang babae at inalok ng dinner at motel.

Matapos bayaran ang dalawang babaeng empleyado, dinala na lamang sila ng mga enforcer sa isang malapit na safehouse kung saan nag-debrief ang mga social worker mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Pagkatapos ay tinungo ng mga ahente ng NBI ang bar at nailigtas ang 18 pang empleyado mula sa establisyimento.

Kinilala rin nila si Novela bilang Mamasang ng bar. Nagsampa ng kaso ng Trafficking in Persons ang NBI-Cebdo laban kay Novela.

Magsasampa rin sila ng parehong kaso laban sa mga may-ari ng bar. Jocelyn Tabangcura-Domenden