MANILA, Philippines – Nagsasagawa ng masusing imbestigasyon ang Cavite City Police kaugnay sa insidente ng salisi sa grupo ng Social Media Influencer na si “Boss Toyo” sa Brgy 55, Cavite City, Cavite.
Base sa nakalap na report, inilarawan ang suspek na mataba, nakasalamin at naka-sumbrero.
Batay sa FB Live ni Boss Toyo, isinaad nito na bandang alas-11:30 ng umaga nang nagtungo ang grupo nito sa lugar kung saan tinangay ang ilang gamit ng kanilang artist, model at mga dancer sa harapan ng Ever Supermarket sa Barangay 55, ng nasabing lugar.
Mabilis namang ipinag-utos ni PltCol Christopher Guste, hepe ng Cavite City PS sa kanyang mga tauhan na magsagawa ng imbestigasyon hinggil sa nasabing post.
Nanawagan si Boss Toyo na tulungan ang kanilang mga artista, model at dancer na ituro ang suspek na naglimas ng mahahalagang gamit sa loob ng kanilang tent.
Bukod dito, magbibigay din ng malaking reward si Boss Toyo sa sinumang makapagbibigay ng impormasyon sa makapagturo sa umano’y suspek sa pagnanakaw.
Hindi naman nabanggit sa ulat kung magkano ang halaga ng mga gamit na nawala. Margie Bautista