Home NATIONWIDE 200 MILF members, ilan armado, hinarang sa Lanao del Norte

200 MILF members, ilan armado, hinarang sa Lanao del Norte

1
0

LANAO DEL NORTE – Hinarang ng pinagsanib na puwersa ng militar at pulisya ang tinatayang 200 miyembro ng Moro Islamic Liberation Front (MILF), kabilang ang mahigit kalahati na armado, habang bumibiyahe sa Lanao del Norte nitong Miyerkoles, Setyembre 2.

Ayon sa mga awtoridad, patungo ang grupo sa Camp Kura-Kura sa Barangay Tamparan, Munai para umano sa isang pagpupulong nang pigilan ang kanilang convoy sa checkpoint. Iniulat na 23 sasakyan ang kasama sa biyahe.

Sinabi ng Philippine National Police (PNP) na ang naunang coordination para sa paggalaw ng grupo ay sakop lamang ang Lanao del Sur at hindi ang kanilang pagpasok sa Lanao del Norte.

Ipinaalala naman ng militar na kailangang sundin ang umiiral na coordination mechanisms sa paggalaw ng mga armadong MILF members.

Matapos ang negosasyon, pumayag ang grupo sa ilalim ni Lungga Dimaampao na bumalik sa Picong, Lanao del Sur at hindi na tumuloy sa nakatakdang pagpupulong. Pinayagan naman ang limang sasakyang may sakay na mga hindi armadong sibilyan na magpatuloy, ayon sa PNP.

Sinabi ng 2nd Mechanized Infantry Brigade na paiigtingin nito, katuwang ang PNP, Commission on Elections at iba pang ahensya, ang random checkpoint operations kasabay ng paghahanda para sa Bangsamoro Parliamentary Elections.

Walang naiulat na komprontasyon sa insidente. Ayon sa PNP, patuloy nitong isinusulong ang dayalogo at wastong koordinasyon upang maiwasan ang hindi pagkakaunawaan at mapanatili ang seguridad sa lugar. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here