MANILA, Philippines — Nailigtas ang halos 200 Pilipino mula sa scam hubs sa Myanmar, ngunit marami pa rin ang nananatiling bihag, nakakaranas ng pang-aabuso, at humihingi ng tulong.
Kabilang sa mga naiwan ay isang Pilipina na nakapagpadala ng distress message sa kanyang pamilya sa kabila ng mahigpit na pagbabantay.
Kalakip ng kanyang mensahe ang larawan ng kanyang mga sugat at pasa, pati na rin ang video ng parusang ibinibigay sa mga hindi nakakakumpleto ng scam quota.
Ayon sa kanyang pamilya, inakala nilang nagtatrabaho siya sa Hong Kong, ngunit nadiskubreng na-trap siya sa isang scam operation sa Myanmar. Sa kabila ng panganib, nakapagpadala siya ng lihim na mensahe gamit ang computer sa pasilidad ng scam.
Nakarating na sa Department of Foreign Affairs (DFA) ang kanyang kaso, kasama ang iba pang Pilipinong nakakulong pa rin sa Myanmar. Sinabi ni DFA Undersecretary for Migrant Affairs Eduardo de Vega na hihingi sila ng suporta mula sa mga awtoridad ng Myanmar upang mailigtas ang mga naiwang biktima.
Patuloy namang nagbabala ang DFA at Department of Migrant Workers (DMW) laban sa pagtanggap ng mga kahina-hinalang alok sa trabaho, lalo na sa mga bansang hindi nangangailangan ng visa para sa mga Pilipino. Idinagdag ni De Vega na ang ilang bahagi ng Myanmar ay nasa ilalim ng kontrol ng mga rebeldeng lumalaban sa gobyerno, na nagiging hamon sa pagsagip sa mga Pilipino. (Jocelyn Tabangcura-Domenden)