Home METRO 2,000 kaso ng TB naitala sa Davao City

2,000 kaso ng TB naitala sa Davao City

DAVAO CITY- Mahigit 2,000 kaso ng tuberculosis (TB) ang naitala ng City Health Office (CHO) sa lungsod na ito sa unang tatlong buwan ng 2025.

Ayon sa CHO, pinakamaraming kaso ang naitala sa Barangay Buhangin, sinundan ng Agdao at Talomo.

Paliwanag ng ahensya, mataas ang bilang dahil sa pinaigting na “active case finding” o mas agresibong paghahanap at pagsusuri ng mga posibleng kaso sa mga komunidad.

Noong 2024, umabot sa 8,601 ang kabuuang kaso ng TB na naitala sa lungsod.

Tiniyak naman ng CHO na handa ang lungsod sa pagtugon sa mga kaso at may sapat na suplay ng gamot kontra TB.

Pinalakas din ng CHO ang kampanya laban sa TB sa pamamagitan ng pagdadala ng serbisyo sa mga barangay.

Bibisitahin ng CHO ang bawat barangay para magsagawa ng TB screening gamit ang chest X-ray, laboratory tests, at skin screening.

Ang TB ay isang nakakahawang sakit na dulot ng bacteria na Mycobacterium tuberculosis na karaniwang umaatake sa baga. Maaari itong lumala kung mapapabayaan ngunit ito ay nagagamot kung maagang matutukan.

Hinimok ng CHO ang mga residente na agad kumonsulta sa doktor kapag nakaranas ng sintomas ng TB upang maiwasan ang komplikasyon at pagkalat ng impeksyon. Mary Anne Sapico