Home METRO Obrero patay sa hit-and-run ng SUV nagulungan pa ng 16-wheeler

Obrero patay sa hit-and-run ng SUV nagulungan pa ng 16-wheeler

MANILA, Philippines – Nasawi ang 35-anyos na construction worker matapos ma-hit and run ng isang SUV sa Antipolo City, Rizal nitong madaling araw ng Martes, Pebrero 11.

Matapos masalpok ng SUV ay tumilapon ang biktima saka nagulungan ng 16-wheeler na truck.

Ayon sa imbestigasyon ng Antipolo City, tumatawid ang biktima sa provincial road sa Barangay San Jose nang mabangga ng humaharurot ng puting SUV.

Dahil dito ay napunta sa kabilang lane ang biktima na sakto namang paparating ang 16-wheeler na truck at nagulungan ito.

“Almost 5 a.m. ng madaling araw ‘yung lalaking biktima natin na may edad na 35 years old ay tumawid upang bumili lang sana ng pandesal. However sa pagtawid niya nasagasaan siya ng trak.’

“Voluntary naman nag-surrender ‘yung truck driver. Sa course of investigation natin, nakakuha tayo ng CCTV kung saan napakalinaw na mayroon pa lang naunang nakabangga sa ating biktima. Siya muna ay nabundol bago nagulungan ng trak,” pahayag ni PLtCol. Ryan Manongdo, Antipolo CCPS Chief of Police, sa panayam ng ABSCBN News.

Dead on the spot ang biktima matapos magtamo ng matinding pinsala sa ulo na ilang beses nagulungan ng naturang trak.

“Pagkarating ng investigators natin talagang no proof of life na obvious na roon sa visual pa lang. Nagkalat na ‘yung iba’t ibang parte ng.. pangit lang i-describe, makikita na roon gaano ka violent ‘yung nangyari sa biktima natin,” ani PLtCol. Manongdo.

Agad na sumuko sa mga awtoridad ang drayber ng trak na ngayon ay nasa kustodiya ng Antipolo City CPS.

Pinalaya naman ang drayber matapos makipag-areglo ang may-ari ng trak sa pamilya ng biktima.

Sa CCTV, nakita rin kasi na wala nang paraan ang drayber ng trak para maiwasan ang tumilapon na biktima.

“Ang tawag natin diyan is ‘yung doctrine of last clear chance. Ibig sabihin wala na siyang klaro na tiyansa para iiwas pa niya na mangyari ‘yung insidente. May tinatawag tayo na blind spot na kung saan pag ikaw ay driver mayroong anggulo na hindi ka makikita. ‘Yun ang nangyari po,” paliwanag ni PLtCol. Manongdo.

Hustisya ang panawagan ng pamilya ng biktima at ipinanawagan na sumuko na ang drayber ng puting SUV.

“Sa may-ari po ng Toyota Innova sana wag ka na po matakot na lumantad po para magkaroon naman po ng hustisya ang nangyari sa kapatid ko po. Biglaan din po ‘yung nangyari kagabi kasama pa namin siya, ngayon naka-ataul na siya,” ayon sa panganay na kapatid ng biktima.

Sa oras na mahuli, ang drayber ng Innova ay mahaharap sa kasong Reckless Imprudence Resulting in Homicide. RNT/JGC