MANILA, Philippines- Sinabi ng Philippine National Police (PNP) nitong Martes na nirerebyu nito ang pamamaril na ikinasawi ni dating Tanauan City, Batangas Mayor Antonio Halili noong 2018 matapos iugnay ni dating police officer at ex-PCSO general manager Royina Garma ang isang pulis sa kaso.
“Ang gagawin ng PNP dito is to really dig deeper dito sa kaso na ito at nandoon tayo sa process kasi more than five, six years na nangyari yung insidente,” pahayag ni PNP spokesperson Police Brigadier General Jean Fajardo sa isang press briefing.
“So the CIDG is now in the process (of) really retrieving, restudying, and assessing kung saan-saan ba humantong, anong naging direksyon ng investigation with respect dito sa pagpatay kay Mayor Halili,” dagdag niya.
Nauna nang sinabi ni Garma sa House of Representatives QuadComm na isang pulis na nagngangalang “Albotra” ang ipinagyabang ang pagiging bahagi ng grupo na pumaslang umano sa alkalde.
Base sa ulat nitong Lunes, itinanggi ni Police Lieutenant Colonel Kenneth Paul Albotra ang alegasyon.
“Masasabi ko lang po diyan, sir, is hindi po totoo ‘yan, wala pong katotohanan ‘yan,” ani Albotra.
“Tingin ko eh talagang ano po si Ma’am, confused na po siya sa mga nangyayari sa buhay niya po ngayon at ako po’y naawa po sa kanya,” dagdag niya. “Hindi po totoo ‘yung sinasabi ni Ma’am, ‘yun lang po.”
Noong Hulyo 2, 2018, patay sa pamamaril si Halili habang dumadalo sa flag raising ceremony ng Tanauan City Hall. RNT/SA