Home IN PHOTOS 2024 Bar Exam umarangkada na

2024 Bar Exam umarangkada na

MANILA, Philippines – Libu-libong examinees ng Bar ang dumagsa sa 13 local testing centers sa bansa ngayong Linggo, Setyembre 8 para sa unang araw ng tatlong araw na 2024 Bar Examinations.

Nabatid na nitong Hulyo ay nasa kabuuang 12,246 ang natangap na applications ng Supreme Court.

Si Associate Justice Mario Lopez ang nagsisilbing 2024 Bar chairperson.

Ang susunod na examination ay nakatakda sa September 11 at September 15.

Gaya ng nakalipas na taon nananatiling digitized at regionalized ang Bar Exams na malayo sa dating tradisyon na sulaT kamay.

Kabilang sa mga local testing centers ay ang University of the Philippines Diliman, University of Santo Tomas, San Beda University, Manila Adventist College, University of the Philippines Bonifacio Global City at San Beda College Alabang sa Metro Manila. Saint Louis University at University of Nueva Caceres sa Luzon. University of San Jose Recoletos, Central Philippine University at Dr. V. Orestes Romualdez Educational Foundation sa Visayas. University of San Jose-Recoletos at Central Philippine University naman sa Mindanao.

Sa San Beda University sa Maynila, dumagsa ang mga examinee maging ang kanilang mga kasamahan para i-cheer sila pasado alas-5 ng umaga.

Sa Unibersidad ng Sto. Tomas (UST) sa Sampaloc, Maynila, isa pang local testing center, mahigpit ang seguridad habang nagpapatrolya ang Manila Police sa lugar.

 

Kinailangang suriin ng mga examinees ang kanilang mga bag bago sila payagang makapasok sa testing area.

Nauna nang sinabi ng Office of the Bar Chairperson na ang mga tanong sa pagsusulit ay nakatutok sa mga praktikal na kasanayan at jurisprudential perspective.

Anim na paksa na tatalakayin kabilang ang: Political at Public International Law, Commercial and Taxation Laws, Civil Law, Labor Law and Social Legislations, Criminal Law, Remedial Law, at Legal and Judicial Ethics with Practical Exercises.

Nitong nakaraang taon 3,812 mula sa 10,387 examinees ang nakapasa sa Bar na may passing rate na 43.47%. TERESA TAVARES/ Jocelyn Tabangcura-Domenden