Home NATIONWIDE 2024 census aarangkada sa Hulyo 15

2024 census aarangkada sa Hulyo 15

MANILA, Philippines- Nakatakdang mag-deploy ng Philippine Statistics Authority (PSA) ng 70,000 enumerators sa iba’t ibang bahagi ng bansa para mangolekta ng impormasyon kaugnay sa populasyon ng bansa at listahan ng mga benepisaryo ng ‘social protection initiatives.’

Sinabi ng PSA na ang enumeration period ay opisyal na magsisimula sa susunod na Lunes, Hulyo 15, 2024, matapos ipag-utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang census update sa listahan ng mga benepisaryo ng social protection programs ng gobyerno.

Ang inisyatiba ay gagawin sa pamamagitan ng Community-Based Monitoring System (CBMS) ng PSA, na isasama sa Census of Population (POPCEN) bago pa ang orihinal na iskedyul sa 2025.

“Data derived from this activity will serve as our nation’s driving force, fueling the government’s social and economic development plans, policies, and programs that would benefit every Filipino,” ayon kay national statistician Claire Dennis Mapa.

“It’s a cost-efficient strategy, and we, at the PSA, remain committed to our mission to deliver relevant and reliable statistics to stakeholders,” dagdag niya.

Ayon sa PSA, ang datos mula sa POPCEN-CBMS ay magsisilbi bilang basehan para sa target na buong pamilya sa pagpaplano, pagbalangkas at implementasyon ng mga programa at proyekto na naglalayong bawasan ang kahirapan sa bansa.

Noong nakaraang Nobyembre, si Pangulong Marcos, sa pamamagitan ni Executive Secretary Lucas Bersamin, ay nagpalabas ng Memorandum Circular 40 kung saan inaprubahan ang Philippine Population and Development Plan of Action (PPD-POA) para sa 2023 hanggang 2028.

Nakasaad sa circular na ang PPD-POA ay magsisilbi bilang ‘overall blueprint’ para sa inter-agency collaboration sa pagsisikap “to optimize demographic opportunities” at tugunan ang nananatiling mga hamon sa populasyon. Kris Jose