Home NATIONWIDE SONA outfits na naghahayag ng protesta bawal

SONA outfits na naghahayag ng protesta bawal

MANILA, Philippines- Mahigpit na ipinagbabawal sa gagawing State of the Nation Address (SONA) ang pagsusuot ng damit na  nagpapakita ng anumang uri ng protesta, ayon kay House Secretary General Reginald Velasco.

“This is a formal event. We will be very strict in the expression of protest in a SONA outfit. They’ll be requested to change their outfit if they don’t follow this rule] because it is the SONA. It is not a day of protest,” pahayag ni Velasco.

Ang ikatlong SONA ni Pangulong Bongbong Marcos ay gaganapin sa July 22, sa Batasan Complex.

Ipinaliwanag ni Velasco na kung ang damit ay mayroong disensyo ng jeep ay papayagan ito bilang ang jeep ay kasama sa kultura ng mga Pilipino subalit kung lalagyan ito ng slogan na “No to jeepney modernization” ay ito ay ipagbabawal.

Sa mga nais magprotesta, sinabi ni Velasco na maaari itong gawin sa ibang araw at sa ibang pagkakataon ngunit huwag sa SONA.

“If you want to do it during SONA day, there are areas where you can do so, but not here in Batasan Complex,” ani Velasco.

Maging ang mga caricature na disensyo ay hindi papayagan.

”A SONA outfit with a face of a personality made into a caricature, that’s not allowed. Anything derogatory to a personality or persons of authority, bawal ‘yun. We will be polite in asking them to change clothes. Sasabihin na lang namin, Sir, Ma’am, baka gusto nyo no po magpalit kasi hindi po kayo makakapasok ng plenary,” dagdag pa ni Velasco.

Nasa 1800 katao ang inaasahan sa loob ng House Plenary sa araw ng SONA habang may 300 seats pa sa loob ng Romualdez Hall na nakareserba sa  senior citizens, PWDs at may medical conditions.

Ang mga panauhin ay hindi papayagang lumabas sa simula hanggang sa matapos ang SONA.

Samantala, sa panig ni ACT teachers partylist Rep. France Castro, patuloy pa rin nilang isusuot ang kanilang nakaugaliang isuot sa SONA. Wika niya, ang ganitong polisiya na ipinalabas ni Velasco ay malinaw na paglabag sa kanilang freedom of expression. Gail Mendoza