MANILA, Philippines – INAASAHAN na lalagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang panukalang P6.352 trillion national budget para sa fiscal year 2025 bago ang araw ng Pasko.
”Yes, kasama… kasama na ‘yung sa budget. Siguro ano, before Christmas,” ayon kay Presidential Legislative Liaison Office (PLLO) Secretary Mark Leandro Mendoza nang tanungin ukol sa inaasahang petsa ng budget signing.
Sa kabilang dako, isang joint technical working group (TWG) ang binuo para ibuod ang ‘disagreeing provisions’ ng bersyon ng bill ng Senado at Mababang Kapulungan ng Kongreso na naglalaman ng national budget para sa taong 2025.
Ang pinal na bersyon ng 2025 national budget ay idedetermina ng bicameral conference committee.
“Once they report it out, it will be ratified by both houses of Congress,” ayon sa PLLO.
Sa oras naman na maratipika, ang batas ay ipadadala sa Malakanyang para repasuhin at aprubahan ni Pangulong Marcos. Kris Jose