MANILA, Philippines – Inanunsyo ni Senador Raffy Tulfo nitong Lunes, Disyembre 9 ang plano nitong pag-iimbestiga sa biglaang pagtaas ng mga bayad na ipinapataw ng Transportation Network Vehicle Services (TNVS), para masiguro na kapwa napoprotektahan ang Karapatan ng mga commuter at driver.
“Maraming reklamo ang nakarating sa akin mula sa mga pasaherong gumagamit ng Grab na ayon sa kanila, kasama sa sinisingil na pasahe ng nasabing ride hailing application ang napakalaking surge fee,” sinabi ni Tulfo.
Ang surge fee ay idinaragdag sa base fare kapag peak hours kung saan kakaunti lamang ang mga drayber na available at hikayatin ang mga ito na bumyahe.
Kasalukuyang pinapayagan lamang ang transport network companies (TNC), nag-ooperate ng TNVS, na maningil ng hanggang dalawang beses ng initial fare bilang surge fee.
Ani Tulfo, makikipag-ugnayan ang kanyang opisina sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) para alamin ang mga aksyon na may kaugnayan sa isyu.
Sinabi pa ng senador na nagsasagawa na umano ng pagdinig ang LTFRB kaugnay sa mga reklamo ng mga commuter at magda-draft ng resolusyon bilang tugon sa isyu.
Ipakikita sa resolusyon ang mga findings ng ahensya at posibleng iregularidad sa mga lumabag, particular ang mga bigong tumugon sa fare rates na itinakda sa Memorandum Circular No. 2019-036.
Dagdag pa ng LTFRB, ang transport network companies na lumalabag sa fare regulations ay maaaring maharap sa multa, suspension at maging ang kanselasyon ng prangkisa nito. RNT/JGC