Home HOME BANNER STORY Sia hari ng 1st Remate Open Championships Mixed Masters

Sia hari ng 1st Remate Open Championships Mixed Masters

MIXED MASTERS - Pinarangalan nina Remate Bowlers Club at Manila Tenpin Bowling Association President Benny Antiporda, Ma. Jesusa Antiporda at Bowling World Champion Paeng Nepomuceno ang mga nagwagi sa 1st Remate Open Championships Mixed Masters Division sa pangunguna ni champion Marlon Sia, 1st runner up Marc Custodio, 2nd runner up Aldric Bathan, 4th runner up Darwin Eusebio, 5th runner up John Mendoza, 6th runner up Basti Singui, 7th runner up Veijin Uy at 8th runner up Royce Padua.

MANILA, Philippines – Hindi na nagpatumpik-tumpik pa si star bowler Marlon Sia at sinagpang ang kampeonato sa Mixed Master Division sa 1st Remate Open Championships  na ginanap sa Playdium Bowling Center sa Quezon City.

Siniguro ni Sia ng PTBA-Henrich team  ang panalo at umiskor ng 2,300 sa kabuuan upang kabigin ang karangalan sa mixed masters division na nilahukan ng mahuhusay na bowlers.

Naibulsa ni Sia ang isang napakagandang trophy plus cash prize.

Nagkasya naman si Marc Custodio (SLETBA-Bowler X)  sa 1st runner up finish matapos kumamada ng 2,254 total points.  Nakuha ni Aldric Bathan ng PBAP team ang 2nd runner up na karangalan sa iskor na 2,233 na ilang puntos lang na malayo kay Custodio.

Isinubi ni Darwin Eusebio ang karangalan bilang 4th runner up habang si John Mendoza ang hinirang na 5th runner up winner.

Nabigyan din ng premyo sina  Basti Singui, Veijin Uy, at Royce Padua na nagwagi ng , 6th, 7th, at 8th runners ups, ayon sa pagkakasunod-sunod.

Una rito, hinirang na kampeon sa Ladies Masters Division si Sylvia Lagman habang 1st runner up si Aries Lacson at 2rd runner up si May Tumbagahon.

Idineklarang 4th runner si Ginalie Lim at 5th runner up si Juvy Santiago habang si Rica Ventura ay sumamsam ng 6th runner up.

Pinitas naman ni Bea Antiporda ng MTBA-Remate ang 7th runner up samantalang, si Tintin Robles ang kumana ng 8th runner up.

Sa ibang laban, pinagharian ni Anton De Guzman ang Mixed Novice Masters habang 1st runner up si DK Lee at 2nd   runner naman si Mycel Maniquis.

Hinirang din si Angelo Vitanzos na 4th runner up; Hugh Chong, 5th runner up; Millet Garcia, 6th runner up; Taylor Son, 7th runner up; at Lolita De Leon,  8th runner up.

Sa kabuuan, sinabi ni Remate Bowlers Club at Manila Tenpin Bowling Association President Antiporda  na matagumpay ang 1st Remate Open Championships.

Ayon sa mga lumahok sa kumpetisyon, inaabangan na nila ang 2nd leg ng prestihiyosong event.

Layunin ni Antiporda na mapalakas ang sports na bowling sa bansa at mapagka-isa ang bowling community sa pamamagitan ng mga prestihiyosong torneo.