Home NATIONWIDE Babaeng ‘Good Samaritan’ pinuri ni Sen. Go

Babaeng ‘Good Samaritan’ pinuri ni Sen. Go

Hindi inalintana nina Sen. Bong Go at ni Elena (babaeng may payong) ang malakas na buhos na ulan upang tulungan ang dalawang babaeng naaksidente sa motorsiklo na nakita nilang nakahandusay sa kalsada.

MANILA, Philippines – PINURI ni Senator Christopher “Bong” Go ang isang babaeng nakasabay niya sa pagtulong sa dalawang babaeng motorista, sina Catherine Pahigal at Vanessa Tenoy, na naaksidente habang sakay sa motorsiklo sa kasagsagan ng malakas na ulan sa Davao City noong Sabado.

Bumibiyahe si Sen. Go sa lungsod nang makita niya na nakahandusay sa kalsada ang dalawang babae, ang isa ay nadadaganan ng motorsiklo ang paa, malapit sa Insular Village sa Lanang.

Habang bumubuhos ang malakas na ulan, agad na nag-dial ang senador sa 911, at tiniyak na may rerespondeng ambulansya para dalhin ang mga biktima sa Southern Philippines Medical Center (SPMC).

Dumagdag sa nakaaantig na eksena ang isang bystander, kinilalang si Elena, na tumulong sa mga biktima sa pamamagitan ng pagpapayong sa kanila habang hinihintay ang ambulansya. Ang pagiging matulungin ni Elena ay kumuha ng atensyon ni Sen. Go, kaya kuntodo papuri ang senador sa kanyang kabaitan.

“Elena, saludo ako sa iyo. Hindi lahat ay may lakas ng loob na tumulong sa kapwa lalo na sa ganitong sitwasyon. Nakaka-inspire ang ginawa mo. Sana mas marami pang tulad mo na handang tumulong kahit sa maliit na paraan,” ani Go.

Ang mga biktimang sina Pahigal at Tenoy ay isinugod sa SPMC, kung saan ay tiniyak na sila’y matutulungan sa pamamagitan ng Malasakit Center, isang programang itinataguyod ni Go.

“Ang Malasakit Center po ay nandyan para siguraduhing hindi masyadong mabigat sa bulsa ng ating mga kababayan ang pagpapagamot. Catherine at Vanessa, ang mahalaga ngayon ay ang paggaling ninyo. Nandito po kami para tumulong,” anang senador.

Nagpaalala si Go sag mga motorista tungkol sa kaligtasan sa kalsada, lalo na sa masungit na panahon.

Itinatampok ng insidenteng ito kung paano nakakagawa ng pagbabago ang sama-samang pagsisikap—maging mula sa mga pampublikong tagapaglingkod o ordinaryong mamamayan—sa panahon ng emergency.

Bilang senador, sinabi ni Go na mahalaga sa kanya na maramdaman ng tao ang serbisyo ng gobyerno, hindi lang sa malalaking bagay kundi sa pang-araw-araw na buhay.

Habang nagpapagaling sina Catherine at Vanessa, ang kabaitan ni Elena at ang mabilis na pagkilos ni Go ay nagpapaalala sa mga Pilipino hinggil sa kapangyarihan ng pagiging mahabagin at mapagbabantay, lalo sa panahon ng mga hamon. RNT