Home ENTERTAINMENT Julia, niyayakap ni Coco pag may topak!

Julia, niyayakap ni Coco pag may topak!

Manila, Philippines – Tulad ng karakter sa pelikulang Topakk, aminado si Julia Montes na may good and bad days siya lalo na’t minsan ay may mga bagay na hindi pumapabor sa kanyang sitwasyon.

Kapag ganoon daw ay pinipili niyang magpakahinahon lalo na’t kung hinihingi ng mga pagkakataon.

Nalulungkot naman siya na minsan ay nagkakaroon ng negatibong konotasyon kapag ang isang tao ay napaparatangang tinotopak.

Minsan madalas ay nahuhusgahan siya pero more than the emotional, mental and psychological state, para sa kanya it calls for compassion and understanding.

“Actually, nakakalungkot lang na sa atin sa Pilipinas, na ang topak ay nagiging negative. Sana tingnan natin iyong topak na.. it’s more of an emotional state ng taong may pinadadaanan o hindi okey more than the topak na negative. Kasi lahat naman tayo, may moments na di tayo okay o may pinadadaanan pero di mo puwedeng i-share.

“Technically di mo man sinasadya, tinotopak ka. In that case, it pays to be just be more human or supportive or just prepare lang kung paano ka makakatulong pag may nakita kang ganoon. Kung hindi naman kailangan ng space, respect na lang siguro,” paliwanag niya.

Hirit pa niya, kapag tinotopak daw siya ay pinakakalma siya ni Coco Martin.

Kumbaga, natutunaw daw siya sa mga yakap nito.

Speaking of her MMFF movie, sobrang na-enjoy daw niya ang paggawa ng maaaksyon at madudugong mga eksena sa Topakk.

Ito ay kahit nagkasugat-sugat siya at nagtamo ng mga pasa while doing the action film.

“Kapag in the zone ka talaga, enjoy ka lang sa ginagawa mo kahit magkasugat-sugat ka,” ani Julia.

“Minsan hindi mo na siya mamamalayan if you enjoy the process,” dugtong niya.

Malaking factor din daw na supportive ang kanyang co-star na si Arjo Atayde na hindi naman nagrereklamo kahit nagkagalos-galos sa paggawa ng mga action scenes sa pelikula.

Kaya feeling niya ay wala siyang karapatang mag-reklamo kahit nasugatan pa siya ng pako while doing the crucial action sequences sa movie.

Hirit pa niya, ito raw ang tipo ng pelikula niya na gusto niyang ulit-uliting gawin.

Na-unleash daw kasi nito ang kanyang pagiging astig na action star na tila bet tapatan si Coco.

Sa Topakk, ginagampanan ni Julia ang papel ng isang babaeng gagawin ang lahat para maprotektahan ang kanyang pamilya.

Pinagbibidahan ni Arjo bilang isang sundalong may Post Traumatic Stress Syndrome, nag-premiere ang pelikula sa 78th Cannes Film fest at pinalakpakan sa 76th Locarno Film Festival noong nakaraang taon.

Mula sa produksyon ng Nathan Studios at sa direksyon ni Richard Somes, tampok din sa pelikula sina Sid Lucero, Enchong Dee, Kokoy de Santos, Michael Roy Jornales, Vin Abrenica, Paolo Paraiso at marami pang iba.

Kalahok sa 50th edition ng MMFF, mapapanood na ang action event of the year sa mga piling sinehan sa buong bansa simula sa Disyembre 25, Araw ng Pasko. Archie Liao