MANILA, Philippines – PORMAL nang tinintahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., upang maging ganap na batas ang panukalang national budget para sa fiscal year 2025, araw ng Lunes, Disyembre 30.
Ito’y matapos ang ginawa niyang masusing paghimay at pagrepaso sa 2025 national budget kasama ang mga economic manager ng bansa.
Ang paglagda sa P6.326 trillion budget para sa taong 2025 ay isinagawa sa Ceremonial Hall ng Palasyo ng Malakanyang at dinaluhan ng mga mambabatas at mga mahahalaga at pangunahing opisyal ng gobyerno.
Sa naging talumpati ng Pangulo, sinabi nito na direkta niyang bineto (veto) ang mahigit sa P194 bilyong halaga ng line items na hindi ‘consistent’ sa program priorities ng administrasyon. Kabilang na rito ang unprogrammed items ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Nauna nang sinabi ni Executive Secretary Lucas Bersamin ang posibilidad na maaaring tuluyang i-veto ni PBBM ang ilan sa mga probisyong nakasaad sa 2025 national budget, ”in the interest of public welfare, to conform with the fiscal program, and in compliance with laws.”
Sa kabilang dako, iginiit naman ng ilang mambabatas ang tiwala nila sa Pangulo.
Para kay House Committee on Appropriations Vice Chairperson Raul Angelo Bongalon, kinikilala niya raw ang karapatan ng Pangulo sa ilalim ng Konstitusyon na mag-veto ng mga probisyon na ipinasa ng Kongreso.
Giit naman ni House Assistant Majority Leader Jude Acidre na wala raw kakaiba sa naging tugon ni PBBM dahil may kapangyarihan naman daw itong magdesisyon para sa national budget.
Iginiit naman ni Bataan 1st District Representative Geraldine Roman na ang naging aksyon daw ng Pangulo hinggil sa 2025 national budget ay isa umanong patunay na nakikinig si PBBM sa taumbayan.
Samantala, kaugnay naman ng kontrobersyal na Ayuda sa Kapos ang Kita Program (AKAP), kumbinsido daw sina Roman at Bongalon na hindi raw ito kabilang sa mga maaaring i-veto ng Pangulo.
“Naniniwala ako hindi ivi-veto ni President ‘yan eh, dahil ang feedback naming district congressmen is malaking tulong talaga,” saad ni Roman.
Dagdag naman ni Bongalon: “Hindi ako naniniwala na yung pondo para sa AKAP ay ivi-veto ng ating Presidente. Isa ito sa mga programa na nag-address sa problema ng ating mga kababayan.”
Ginarantiya naman ni Pangulong Marcos na may sapat na pondo ang PhilHealth para ipagpatuloy nito ang pagbibigay ng health services sa kabila ng pag-alis sa government subsidy sa ilalim ng panukalang national budget. Kris Jose