Home NATIONWIDE 2025 proposed budget hawak na ng Kamara

2025 proposed budget hawak na ng Kamara

MANILA, Philippines – Pormal nang tinanggap ngayong umaga ng Kamara ang P6.352-trilyong panukalang badyet ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. na isinumite ni Budget Secretary Amenah Pangandaman.

Sinabi ni House Speaker Ferdinand Martin Romualdez na nakasentro ang 2025 proposed budget sa trabaho, edukasyon, kalusugan, social protection para sa mga Pinoy.

“Ang badyet na Php 6.352 trilyon ay sumasalamin sa ating pangarap na mapabuti ang buhay ng bawat Pilipino,” bahagi ng opening statement ni Romualdez sa isinasagawang seremonya para sa pagtanggap ng susunod na panukalang badyet sa harap ng mga kapwa mambabatas, budget officials, at ilan pang mga panauhin.

Aniya, titiyakin din ng Kamara na mayroong sapat na pondo na ilalaan upang matulungan ang mga mahihirap na pamilya lalo na ang pagbibigay trabaho sa mga Pinoy.

“Sa 2025 national budget na ito, inaasahan namin na ibubuhos natin ang pondo para makalikha ng mas maraming trabaho, masiguro ang de-kalidad na edukasyon para sa mga estudyante, at mapalawak ang suporta sa Universal Health Care. Malinaw ang misyon natin: Ang mabigyan ng trabaho, edukasyon, at alagang pangkalusugan ang bawat pamilyang Pilipino.”

Kasabay nito ay binigyang-diin pa ng liderato ng Kamara na masusing susuriin ng mga mambabatas ang panukalang badyet upang matiyak na magagamit nang tama ang buwis ng mamamayan.

“As we receive this document today, we recognize the collective responsibility bestowed upon us as legislators to scrutinize, deliberate, and ensure that every peso is judiciously allocated and spent.”

Tiwala rin ang mambabatas na sa pamamagitan ng pagtutulungan at pagsisikap ng executive at legislative branches ay makakamit ang pambansang budget na hindi lamang tutugon sa mga pangangailangan ng mga mamamayan kundi magiging daan din para sa mas maunlad at matatag na Pilipinas.

Bago nagtapos ay pinasalamatan din ni Speaker Romualdez sina Pangulong Marcos Jr., Secretary Pangandaman, at ang Department of Budget and Management para sa kanilang pagsisikap at dedikasyon sa pagbuo ng isang badyet na naglalayong tugunan ang agarang pangangailangan ng mga mamamayan habang inihahanda ang pundasyon para sa pangmatagalang kaunlaran.

Ang pagsusumite sa 2025 budget ay mas maaga ng tatlong linggo sa itinakdang deadline ng Konstitusyon at nais ng Kamara na tapusin ang mga deliberasyon sa panukalang badyet bago ang unang bakasyon ng Kongreso sa Oktubre. Meliza Maluntag/Gail Mendoza