MANILA, Philippines- Iniutos ni Bureau of Immigration (BI) Commissioner Norman Tansingco sa lahat ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) na i-downgrade ang visa ng kanilang mga dayuhang manggagawa na dapat umalis sa loob ng 59 araw mula nang matanggap ang direktiba.
Ang hakbang ay kasunod ng direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bong Bong” Romualdez Marcos, Jr. na ipagbawal ang lahat ng POGO sa bansa, sa kanyang ikatlong State of the Nation Address noong Hulyo 22.
Inatasan ni Pangulong Marcos, sa kanyang talumpati, ang Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) na ipahinto at itigil ang operasyon ng mga POGO sa pagtatapos ng taon.
Sinabi ni Tansingco na kasunod nito, ang mga dayuhan ay kinakailangang umalis pagkatapos ng pagkabuwag ng kanilang mga kompanya.
Dagdag pa niya, maglalabas din ang BI ng cancellation order para sa lahat ng ibinigay na visa sa ilalim ng POGO o IGL companies.
“Companies are expected to comply with this directive and file for the downgrading of their employees’ visas, who shall then leave the country within 59 days from the date of the downgrading order,” ani Tansingco.
Ayon pa kay Tansingco, inaasahan niya ang mapayapa at boluntaryong pagsunod para sa karamihan ng mga manggagawa na inuutusang umalis, ngunit sasampahan naman ng deportation case para sa mga hindi susunod.
Sinabi pa ni Tansingco na makikipag-ugnayan sila sa iba pang Philippine visa-issuing authority para matiyak na maipatutupad nang maayos ang direktiba ng Pangulo.
Hiniling na ng BI mula sa PAGCOR ang listahan ng mga dayuhan sa database nito na nagtatrabaho sa mga POGO na ang mga lisensya ay sinuspinde o hindi na na-renew.
“We will work on this information to further track down other foreign nationals who might still be staying in the country illegally despite the closing down of their companies,” ani Tansingco.
Sinabi ni Tansingco na inaasahan niya ang higit sa 20,000 mga manggagawa sa online gaming company na aalis ng bansa sa susunod na ilang buwan kasunod ng nasabing kautusan. JAY Reyes