MANILA, Philippines- Sasalubungin ng 90 porsyento ng adult Filipinos ang 2025 nang may pag-asa, ayon sa pinakabagong Social Weather Stations (SWS) survey na isinagawa mula December 12 hanggang 18, 2024.
Subalit, mas mababa ito kumpara sa 96% na nagpahayag ng pag-asa para sa Bagong Taon noong 2023.
Pinakamababa ito mula 2009 nang iulat ng 89% ng mga Pilipino ang pag-asa para sa darating na taon, base sa SWS.
Samantala, sinabi ng 10% ng respondents na sasalubungin nila ang 2025 nang may takot, mas mataas ng pitong puntos mula sa 3% na naitala noong 2023.
Ito rin ang pinakamataas na lebel ng takot na naitala mula noong 2009 nang 11% ng mga Pilipino ang mag-ulat ng pakiramdam na ito ukol sa parating na taon.
Isinagawa ang non-commissioned survey sa pamamagitan ng face-to-face interviews sa 2,160 adults sa buong bansa: 1,080 mula sa Balance Luzon (Luzon sa labas ng Metro Manila) at tig-360 mula sa Metro Manila, Visayas, at Mindanao.
Ang survey ay may sampling error margin na ±2% para sa national results, ±3% para sa Balance Luzon, at ±5% para sa Metro Manila, Visayas, at Mindanao. RNT/SA