MANILA, Philippines- Nagsimula nang ibaba ng mga rice retailer sa Metro Manila markets ang presyo ng kanilang bigas para makalaban sa nagpapatuloy na inisyatiba ng pamahalaan sa pagbebenta ng bigas sa mas abot-kayang halaga.
Sa katunayan, tinukoy ng Presidential Communications Office (PCO) ang Department of Agriculture (DA), sabay sabing ang implementasyon ng Kadiwa ng Pangulo “Rice-for-All” program sa iba’t ibang lugar sa Metro Manila ay gumagawa ngayon ng “dent on the staple’s price.”
Tinuran ng Malakanyang na ang bigas ay mabibili sa Kadiwa stalls at ang retailer nito ay mas mura ng P3 hanggang P5 kumpara sa ibinebenta ng market retailers, nagresulta ng pagtaas sa benta sa pamamagitan ng mga rolling store sa kamakailan lamang na operasyon.
“Market retailers are currently reducing their prices to keep up with the lower price offered by rolling stores,“ ayon sa PCO, tinukoy ang report ng DA.
Sa ilalim ng “Rice-for-All” program, ang DA ay nagbebenta ng well-milled rice sa halagang P40 per kilogram, na limitado lamang sa 25-kilogram kada tao.
Base sa price monitoring ng Agriculture Department (para sa panahon ng December 16-21), ang average price ng local well-milled rice sa NCR markets ay P46.86 kada kilo habang ang halaga naman ng imported well-milled rice ay P47.46 kada kilo.
Isang linggo bago pa ang paglulunsad ng P40 per kilo “Rice-for-All” initiative (December 2-7 period), ang presyo kada kilo ng local well-milled rice ay P47.05 habang ang imported well-milled rice P47.90.
Winika ng PCO na ang kabuuang 147 sako ng bigas ay ipinamahagi sa sumusunod na lokasyon ng Kadiwa sa Kalakhang Maynila:
Edsa Balintawak Market (Southbound, Brgy. Balingasa, Quezon City) – 110 sako
New Marulas Public Market (Along Market Road, Brgy. Marulas, Valenzuela City) – 5 sako
Malabon Central Market (Along F. Sevilla Blvd., Brgy. Tañong, Malabon City) – 32 sako