Home METRO Online seller ng mga ilegal na paputok arestado

Online seller ng mga ilegal na paputok arestado

BAGUIO CITY- Nadakip ng mga awtoridad ang isang online seller ng mga ilegal na paputok sa pinaigting na operasyon laban dito, iniulat kahapon sa lungsod na ito.

Ayon kay BCPO Director Police Col. Ruel Tagel, ang hindi pinangalanang suspek ay nahuli makaraang maghatid ng ipinagbabawal na pyrotechnics na nagkakahalaga ng kabuuang P10,000 sa Upper Abanao St., Barangay AZCKO.

Agad na kinumpiska ang mga ibinebentang paputok ng suspek at dinala ito sa tanggapan ng BCPO para managot sa kaukulang kaso.

Samantala, nakapagtala na ng apat na sugatan sa lungsod dahil sa fireworks.

Sa datos ng City Health Services Office, pawang mga menor-de-edad ang apat na biktima.

Tatlo sa mga ito ay nasugatan ng “boga” o improvised cannon at ang ika-apat ay nagtamo ng sugat sa kanang daliri dahil sa Five Star.

Samantala, umaasa naman si Mayor Benjamin Magalong na wala nang nasugatan ng paputok at hinihiling sa Baguio City Police Office, Public Order and Safety Division, at mga barangay na makipagtulungan sa pagpapatupad ng firecrackers ban sa lungsod. Mary Anne Sapico