Home NATIONWIDE 2027 PNP budget, itaas sa P242.53-B; 2K bagong parak, popondohan

2027 PNP budget, itaas sa P242.53-B; 2K bagong parak, popondohan

1
0

MANILA, Philippines — Nais ng pamahalaan na itaas sa P242.53 bilyon ang budget ng Philippine National Police (PNP) sa 2027 upang pondohan ang dagdag-sahod, karagdagang personnel at pagpapalakas ng operational capabilities ng pulisya.

Ayon sa Department of Budget and Management (DBM), mas mataas ito sa P226.55 bilyong budget ng PNP ngayong 2026.

Sa proposed 2027 budget, P210.55 bilyon ang nakalaan para sa Personnel Services, kabilang ang humigit-kumulang P100.55 bilyon para sa adjusted base pay at P28.67 bilyon para sa P350 daily subsistence allowance ng 224,421 PNP personnel.

Bahagi ng salary adjustment ang 5 porsiyentong dagdag sa base pay ng military and uniformed personnel na nakatakdang ipatupad sa Enero 1, 2027 bilang second tranche ng adjustment sa ilalim ng Executive Order No. 107.

May P697.18 milyon ding panukalang pondo para sa pagkuha ng 2,000 bagong patrolmen at patrolwomen, habang P2.186 bilyon naman ang nakalaan para punan ang mga bakanteng uniformed positions.

Nananatili rin sa P2 bilyon ang pondo para sa PNP Capability Enhancement Program na sasaklaw sa mobility, communications, firepower, anti-terrorism at iba pang kagamitan.

Bukod dito, P3.12 bilyon ang iminungkahi para sa information and communications technology at P1.499 bilyon para sa infrastructure projects ng PNP.

Ang P242.53-bilyong halaga ay bahagi pa lamang ng proposed 2027 National Expenditure Program at kailangan pang dumaan sa deliberasyon at pag-apruba ng Kongreso. Dave Medina

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here