Home HOME BANNER STORY 2028 presidential debates, target ipaubaya ng Comelec sa pribadong grupo

2028 presidential debates, target ipaubaya ng Comelec sa pribadong grupo

1
0

MANILA, Philippines — Pinag-aaralan ng Commission on Elections (Comelec) na ipaubaya sa mga pribadong organisasyon at media entities ang pagsasagawa ng presidential at iba pang election debates sa 2028, habang mananatili ang poll body sa supervisory role.

Sinabi ni Comelec Chairman George Garcia nitong Huwebes, Agosto 27, na hindi kinakailangang Comelec mismo ang gumastos at direktang mag-organisa ng mga debate.

“Kami ay guest lamang doon at sinu-supervise namin, but hindi kami mismo ang gagastos at walang public fund na gagamitin,” ani Garcia sa panayam sa Cotabato City.

Hinikayat naman niya ang mga media organization at iba pang pribadong grupo na magsagawa ng debates upang makita ng publiko ang kahandaan ng mga kandidato at kanilang posisyon sa mahahalagang isyu.

“Mas maganda po ’yan para makita ng kababayan natin ang kahandaan ng mga tumatakbo [at] makita natin ’yung saloobin ng mga kandidato patungkol sa isang issue,” dagdag niya.

Sa ilalim ng Republic Act No. 9006 o Fair Election Act, maaaring atasan ng Comelec ang national television at radio networks na mag-sponsor ng hindi bababa sa tatlong national debates para sa presidential candidates at isang debate para sa vice presidential candidates.

Nakasaad din sa batas na ang Comelec ang gagawa ng mga patakaran para sa pagsasagawa ng naturang debates.

Ibig sabihin, hindi pa pinal na polisiya ang plano para sa 2028. Ang kasalukuyang pinag-aaralan ay isang setup kung saan private o media organizations ang aktuwal na mag-oorganisa at gagastos sa debates habang Comelec ang mangangasiwa sa mga patakaran at patas na paglahok ng mga kandidato.

May precedent na rin sa ganitong arrangement. Sa mga nakaraang halalan, nakipagtulungan ang Comelec sa media networks at iba pang organisasyon sa pagsasagawa ng presidential debates, habang nananatili rito ang overall supervision at pag-apruba sa mechanics, format at iba pang patakaran.

Wala pang inilalabas na pinal na guidelines ang Comelec para sa presidential at vice presidential debates sa 2028 elections. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here