MANILA, Philippines – Nasagip ng mga awtoridad ang 22 indibidwal na babiyahe sana patungong Sabah, Malaysia nang walang kaukulang dokumento, sa dalawang magkahiwalay na operasyon sa Bongao, Tawi-Tawi ngayong buwan.
Ayon kay Philippine Navy Lt. Chester Ross Cabaltera, spokesperson ng Naval Forces Western Mindanao (NFWM), nasagip ang limang lalaki nitong Martes, Agosto 6 sa loob ng MV Trisha Kerstin 2 na nakadaong sa pantalan ng Bongao; habang nasagip naman ang 17 iba pa kabilang ang dalawang menor de edad, apat na araw bago rito sakay ng M/V Everqueen of Asia, sa port of Bongao.
Dahil dito ay umakyat na sa 140 ang kabuuang bilang ng mga taong nahuli sa Tawi-Tawi at nasagip mula sa posibleng human trafficking.
“Based on their narratives, the rescued individuals aboard the MV Trisha Kerstin 2 on Tuesday were on their way to Kiningaw, Sabah,” Cabaltera said. “But they could not show the proper documents, which makes them vulnerable to human trafficking,” dagdag pa.
Sa nasagip na 17 indibidwal na sakay ng MV Evergreen noong Agosto 2, anim ang babae, siyam ang lalaki at dalawa ang menor de edad.
Patungo ang mga ito sa Kota Kinabalu, Malaysia, kung saan sila pinangakuan ng trabaho kapag nakarating sa naturang lugar sa pamamagitan ng backdoor.
Naka-alerto na ang mga awtoridad laban sa mga indibidwal na bumibiyahe nang walang kaukulang dokumento sa pamamagitan ng Bongao Port sa Tawi-Tawi na kilala bilang backdoor patungong Sabah, Malaysia. RNT/JGC