MANILA, Philippines – Nasa 22 katao na binubuo ng 18 pasahero at apat na crew member ang nasagip mula sa isang passenger motorbanca na bahagyang lumubog matapos makasagupa ang malalakas na alon sa dagat malapit sa Camandag Island sa Sto. Niño, Samar, nitong Huwebes ng hapon, Nobyembre 6.
Sa final report mula sa Philippine Coast Guard (PCG)–Eastern Visayas na inisyu nitong Sabado, Nobyembre 8, ang bangka na MBCA Raignzel, ay patungo sa island town ng Almagro, Samar mula sa Calbayog City nang bayuhin ito ng malalakas na hangin at alon bandang 1:40 ng hapon dahilan para pumasok ang tubig sa loob ng bangka at bahagya itong lumubog.
Nasagip naman ang lahat ng pasahero at crew ng bangka na pinamumunuan ni Dino Palma, ng mga rumesponde sakay ng MBCA JJ Bros na bahagi ng community support groups na tumutulong sa search and rescue operations.
Iniulat ng Coast Guard na ang lahat ng mga ito ay nasa maayos nac kondisyon.
Nakatanggap ng distress call ang Coast Guard Sub-Station (CGSS) Calbayog mula sa concerned citizen bandang 1:48 ng hapon at agad na nakipag-ugnayan sa Sto. Niño local government at kalapit na community partners para tumulong.
Nagtuloy sa lugar ang quick response team mula sa CGSS Calbayog at Coast Guard Intelligence Group–Eastern Visayas (CGIG–EV) gamit ang rescue speedboat na hiniram mula sa Calbayog City government. RNT/JGC