NAKATAKDANG pagkalooban ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ng cash incentives at awards ang lahat ng 22 Filipino athletes na kumatawan sa bansa sa kamakailan lamang na nagtapos na 2024 Paris Olympics.
Sa isang press briefing sa Malakanyang, sinabi ni Presidential Protocol chief Reichel Quiñones na ang mga Filipinong atleta ay darating sa Maynila, tanghali ng araw ng Martes, (Agosto 13) at sasalubungin ng kani-kanilang mga pamilya.
“They will be received at Maharlika Airbase by their family and only their family because the President wants to make sure that it’s a private welcome,” ayon kay Quiñones.
Pagkatapos nito ay didiretso ang mga atleta sa Malacañang Palace kung saan sila iho-host nina Pangulong Marcos at Unang Ginang Liza Araneta Marcos.
“After that, they will proceed directly to the ceremonial hall for an awarding ceremony and dinner reception,” ang sinabi pa rin ni Quiñones.
Sa kabilang dako, sinabi naman ni Presidential Communications Assistant Secretary Dale De Vera na iaanunsyo ni Pangulong Marcos sa naturang seremonya ang cash incentives para sa lahat ng Filipino Olympians.
“The President will be announcing the cash incentives upon the welcome honors for the Olympians,” ayon kay De Vera sabay sabing bukod ito sa insentibo na nakapaloob sa batas at ipagkakaloob ng pribadong sektor para sa mga Filipino Olympic medalists.
Ang lahat ng atleta ay bibigyan ng presidential citations, habang ang two-time gold medalist na si Carlos Yulo ay makatatanggap ng Presidential Medal of Merit.
Samantala, bukas, araw ng Miyerkules, Agosto 14, ang mga atleta ay magkakaroon ng parada mula Aliw Theater sa Pasay City hanggang sa Rizal Memorial Sports Complex sa Maynila.
Winika ni Quiñones na ang heroes welcome para sa mga Filipino Olympians ay magiging “simple but meaningful.”
“The peg for it, I think from the organizing committee, we want it to be a heroes’ welcome. It’s very much focused on them and what they’ve done for the nation,” ang tinuran ni Quiñones.
“With two gold and two bronze medals in Paris, the Philippines is coming off its best Olympic performance in its 100-year participation in the Games,” aniya pa rin. Kris Jose