PAMPANGA- HIMAS-rehas ngayon ang isang lalaking caretaker sa isang dormitory sa Aklan matapos madakip ng mga awtoridad sa kasong panggagahasa sa isang kolehiyala sa Aklan, iniulat kahapon.
Sa isinagawang operasyon ng mga tauhan ng Philippine National Police (PNP) Maritime Group, nadakip ang suspek na itinago sa pangalan Bebot, nasa hustong gulang, at nagtago sa Bacolor Pampanga.
Ayon kay Police Brigadier General Jonathan Cabal, Director ng PNP Maritime Group, ilang buwan na ang nakalipas ng mangyari sa panggagahasa ng suspek sa 19-anyos na kolehiyala na sa isa sa mga tenant sa dormitory na binabantayan ng suspek.
Matapos ang insidente tumakas ang suspek at nagtago ito sa Pampanga subalit hindi pa rin nakaligtas sa mga awtoridad.
Sa himpilan ng pulisya, inamin ng suspek ang ginawa niyang panggagahasa dahil natukso lamang siya.
Nasa kustodiya ngayon ng PNP-MG ang suspek para sa tamang proseso at dokumentasyon sa kasong kinakaharap nito.
Nagpapaalala naman si Cabal sa mga estudyante na nagdodormitoryo na maging alerto at mapagmatyag sa kanilang paligid lalo na kilalanin ang mga taong nakakasalamuha at huwag basta pagtitiwala./Mary Anne Sapico