Home METRO 230 huli sa sinalakay na scam hub sa Subic

230 huli sa sinalakay na scam hub sa Subic

1
0

ZAMBALES, Philippines – Dinala sa kustodiya ng National Bureau of Investigation (NBI) ang 230 indibidwal matapos salakayin ang isang hinihinalang scam hub sa Subic, Zambales. Inaalam pa ng mga awtoridad kung sino sa kanila ang posibleng biktima ng human trafficking at kung sino ang maaaring sampahan ng kaso.

Ayon kay NBI Director Melvin Matibag, nakumpiska sa operasyon ang mga pasaporte ng mga indibidwal at mga high-tech communication device na umano’y ginamit sa ilegal na operasyon.

Sinabi ni Matibag na posibleng indikasyon ng human trafficking ang paghawak ng employer sa mga pasaporte ng kanilang mga manggagawa.

“And alam niyo ’yan, pagka hawak-hawak ng employer ’yung passports, that’s a clear sign of human trafficking,” ani Matibag.

Ayon sa NBI, posibleng target ng hinihinalang scam hub ang mga biktima sa United States, Vietnam, Pilipinas at iba pang bansa. Kinilala ni Matibag ang umano’y operator bilang isang Chinese-Vietnamese national na gumagamit ng pangalang Filipino. Nananatili itong at large.

Nagsimula ang operasyon matapos makatanggap ang NBI ng intelligence report, na sinundan ng surveillance at pagkuha ng search warrant para sa mga electronic device.

Iniimbestigahan din kung gaano na katagal ang operasyon. Natukoy ng mga awtoridad ang isang establisadong opisina at isang Pilipina na umano’y nagsilbing human resources manager nito.

Ayon kay Matibag, nakababahala ang sunod-sunod na pagkakatuklas ng mga hinihinalang scam hub sa Zamboanga Sibugay, Subic, Parañaque at Pasay. Sinusuri rin ng NBI kung may kaugnayan ang mga ito sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs).

Tinitingnan din kung ginamit ang pasilidad sa Subic bilang troll farm, kabilang ang posibleng paggamit ng mga gadget na kayang magpadala ng maramihang text message at IMSI catchers.

Nakikipag-ugnayan ang NBI sa Bureau of Immigration upang alamin kung may paglabag sa mga batas sa imigrasyon ang mga dayuhang sangkot. Sinusuri rin ang posibleng pananagutan ng mga lokal na opisyal dahil nasa loob ng Subic Port ang pasilidad.

Sinabi ni Matibag na maaaring mahirap matukoy ang ilegal na operasyon dahil may mga lehitimong business processing office na kahawig nito.

“Well, you can say that na parang open secret ’yan, ’no. Syempre meron naman kasing mga legitimate na business processing office. So hindi natin alam until meron tayong mga information at mga intel report na papasok,” aniya.

Patuloy na pinoproseso ng NBI ang 230 indibidwal upang matukoy ang papel ng bawat isa, makilala ang mga posibleng biktima at malaman kung sino ang dapat sampahan ng kaukulang kaso. Iniimbestigahan din ang posibleng ugnayan ng pasilidad sa iba pang ilegal na operasyon. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here