DAVAO DEL NORTE – PUTOL ang ulo at nagkalat ang mga laman-loob ng isang 60-anyos na ama matapos itong katayin ng sariling anak na umano’y may problema sa pag-iisip, iniulat sa Tagum City.
Hinahanap pa sa ngayon ng mga awtoridad ang ulo ng biktima habang ang katawan nito at wakwak na tiyan lamang ang natagpuan sa loob ng kanilang bahay samantalang ang kanyang puso at nakitang nakasabit sa mangrove.
Kasalukuyan naman nakakulong sa lock-up cell ng Tagum City Police Station ang 41-anyos na suspek na si alyas Balono, at kapwa residente ng Purok 1A- Gapas, Barangay Madaum, ng naturang lungsod.
Batay sa report ng pulisya, bandang 6:30 AM noong Lunes naganap ang krimen sa tahanan ng mag-ama sa nasabing lugar.
Sa pag-imbestiga ng pulisya, bago ang krimen sinundo ng biktima ang kanyang anak sa bahay ng kanilang kapitbahay dahil hindi na ito umuuwi.
Makalipas ang ilang oras, nakarinig na lamang ang mga kapitbahay ng mga kalabog sa loob ng bahay ng mag-ama at ng kanilang alamin, nakita na lamang nilang may hawak ng mahabang itak ang suspek at kinakatay na nito ang sariling ama.
Agad naman silang humingi ng tulong sa mga awtoridad na nagresulta sa pagkakadakip sa suspek na ngayon ay nahaharap sa kasong parricide.
Sinabi ng pulisya, na mismong kaanak ng mag-ama ang nagsasabing may problema sa pag-iisip ang suspek./Mary Anne Sapico