MANILA, Philippines – Arestado ang isang 24-anyos na babae at nakumpiska ang P6,120,000 halaga ng shabu sa isinagawang buy-bust operation sa Quezon City noong Huwebes, Enero 9.
Ayon sa Quezon City Police nakumpiska mula sa suspek ang 900 gramo ng shabu na may tinatayang street value na P6,120,000, isang cellular phone, dalawang gold Chinese tea bag, isang green shoulder bag, at ang marked buy-bust money (Larawan mula sa QCPD-PIO)
Kinilala ng Quezon City Police District – Batasan Police Station (QCPD-PS 6) ang suspek na si Nurjiya Akuk Muharram, residente ng Barangay Holy Spirit.
Sa ulat ng pulisya, nagsagawa ng buy-bust ang mga operatiba ng PS-6 sa No. 43 Airforce Road, Barangay Holy Spirit, dakong 5:30 ng umaga.
Isang pulis ang nagpanggap na buyer at bumili ng P90,000 halaga ng shabu, dahilan para maaresto ang suspek.
Nakuha mula sa suspek ang 900 gramo ng shabu na tinatayang nasa P6,120,000 ang street value, isang cellular phone, dalawang gold Chinese tea bag, green shoulder bag, at ang marked buy-bust money.
Mahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Republic Act 9165, o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Kaugnay nito pinapurihan ni QCPD Chief Col. Melecio Buslig Jr., ang mga miyembro ng Batasan Police Station sa kanilang dedikasyon sa paglaban sa iligal na droga.
“Pinapupuri ko ang mga operatiba ng Batasan Police Station 6, sa ilalim ng pangangasiwa ni PLTCOL Romil Avenido, sa kanilang walang patid na pangako sa paglaban sa ilegal na droga.
Ang kanilang walang humpay na pagsisikap ay humantong sa matagumpay na pag-aresto sa suspek at pagkumpiska ng matibay na ebidensya. Ang tagumpay na ito ay sumasalamin sa aktibong paninindigan ng QCPD” ayon kay Col. Buslig Jr. (Santi Celario)