MANILA, Philippines – Pauuwiin na sa Pilipinas ang 24 na Pilipinong nakadetine sa lungsod ng Irkutsk sa Siberia, Russia, matapos makialam si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa usapin sa kanyang pakikipagpulong kay Russian President Vladimir Putin sa Kazan.
Ayon kay Marcos, natukoy na ng gobyerno ang kalagayan ng mga Pilipino, na pinaniniwalaang biktima ng iba’t ibang illegal recruitment scheme. Wala pa umanong isinampang kaso laban sa kanila.
Sinabi ng Pangulo na nagulat si Putin nang malaman ang tungkol sa mga detenido at nangakong sisiyasatin ang kanilang sitwasyon.
Matapos ang siyam na buwang pagkakadetine, inaasahang makakauwi na ang 24 na Pilipino at makakasama muli ang kanilang mga pamilya. Nagpasalamat si Marcos kay Putin at sa Russian Federation sa kanilang tulong upang maresolba ang isyu.
Sa kanyang pagbisita, inimbitahan din ni Marcos si Putin na dumalo sa 21st East Asia Summit na gaganapin sa Maynila sa Nobyembre.
Samantala, sinabi ng Pangulo na wala pang pormal na kasunduan sa enerhiya sa pagitan ng Pilipinas at Russia, ngunit bukas ang Moscow sa posibleng kooperasyon. Ayon kay Putin, may magandang potensyal ang pagtutulungan ng dalawang bansa sa agrikultura at enerhiya.
Patuloy rin umanong naghahanap ang Pilipinas ng iba pang mapagkukunan ng produktong petrolyo upang mapalakas ang suplay ng enerhiya sa bansa. RNT/MND