Home METRO 250 indibidwal huli sa election gun ban

250 indibidwal huli sa election gun ban

MANILA, Philippines – Iniulat ng Philippine National Police (PNP) na umabot na sa 250 katao ang naaresto dahil sa paglabag sa election gun ban hanggang nitong Lunes ng gabi, Enero 20.

Karamihan ng mga naaresto ay mula sa Metro Manila at Central Luzon, na may tig-65 kaso, sinundan ng Central Visayas na may 31 at Calabarzon na may 17.

Kabilang sa mga nahuli ay dalawang tauhan ng Armed Forces, isang empleyado ng ahensya ng gobyerno, sampung security guard, at dalawang dayuhan.

Nasamsam ang kabuuang 255 armas, kabilang ang 115 revolver, 71 pistol, anim na shotgun, anim na pampasabog, isang rifle, at iba pang armas. Ang Metro Manila ang may pinakamataas na bilang ng nakumpiskang armas na 67, sinundan ng Central Luzon na may 64.

Ang gun ban ng Commission on Elections (Comelec) ay alinsunod sa Resolution No. 11067 mula Enero 12 hanggang Hunyo 11 upang mabawasan ang karahasang kaugnay ng halalan. Nagsimula ang election period noong Enero 12, kung saan nagtayo ng mga checkpoint sa buong bansa.

Ang kampanya para sa mga senador at party-list ay mula Pebrero 11 hanggang Marso 10, 2025.

Para naman sa mga lokal na kandidato, ang kampanya ay mula Marso 28 hanggang Mayo 10. Nakatakda ang halalan sa Mayo 12, habang ang mga overseas voter ay maaaring bumoto mula Abril 13 hanggang Mayo 12, at ang mga absentee voter mula Abril 28 hanggang 30. RNT