Muling pinatawan ng contempt charge ng House Quad Committee si Police Col. Hector Grijaldo at iniutos na makulong sa Quezon City Police Station matapos tumangging sagutin ang mga tanong ng mga mambabatas.
Si Grijaldo ay una nang pinatawan ng contempt dahil aa hindi nito pagdalo aa pagdinig, mula noong Disyembre 14 ay nakakulong ito sa detention facility ng Kamara.
Sa pagpapatuloy ng pagdinig ng komite nitong ay muling na-contempt si Grijaldo matapos na paulit-ulit na gamitin ang kanyang right against self-incrimination upang maiwasan ang mga tanong ng mga mambabatas kaugnay ng kanyang naging pahayag sa Senado.
Dahil dito, naghain ng mosyon si Quad Comm Vice Chair Antipolo Rep. Romeo Acop na muling i-contempt si Grijaldo dahil sa paglabag sa Section 11, Paragraph C ng House Rules of Procedure Governing Inquiries in Aid of Legislation.
Sa mosyon naman ni Quad Comm Co-Chair Abang Lingkod Rep. Joseph Stephen Paduano, ipinag-utos ng komite na ikulong si Grijaldo sa detention facility ng Quezon City Police District Station 6 na nasa labas lamang ng Batasang Pambansa complex.
Sa kanyang affidavit sa Senado, inakusahan ni Grijaldo sina Quad Comm Co-Chairs Reps. Dan Fernandez at Bienvenido Abante Jr. na pinilit siya na kumpirmahin ang reward system ng war on drugs campaign ng Duterte administration.
Sinabi ni Grijaldo na inabutan siya ni Fernandez ng supplemental affidavit na nagsabing sinasang-ayunan nito ang mga pahayag ni retired Police Colonel at dating Philippine Charity Sweepstakes Office General Manager Royina Garma kaugnay ng reward system.
Kapwa itinanggi nina Fernandez at Abante ang alegasyon na tinawag nilang “lies of the highest level.”
Sinita naman ni Quad Comm Lead Chair Surigao del Norte Rep Robert Ace Barbers ang pagiging mailap ni Grijaldo sa pagsagot ng mga tanong kasama na ang pagtanggi nito na kumpirmahin ang kanyang affidavit sa Senado.
“The resource person is out of order, and let it be of record that he is continuously disrespecting this committee by refusing to answer appropriately,” ani Barbers.
Sinabi ni Barbers na tila nabahag ang buntot ni Grijaldo.
“Noong nasa Senado ka ang tapang-tapang mo eh. Bakit dito ayaw mo? Magtapang ka rito. Ipakita mo ‘yung the same candor, the same tapang na pinakita mo doon,” saad pa ni Barbers.
Inakusahan din ni Barbers si Grijaldo na gumagawa lang ng kuwento para siraan ang Quad Comm.
Sa pagtatanong ni Deputy Speaker at Quezon Rep. David Suarez tumanggi si Grijaldo na kumpirmahin ang kanyang affidavit sa Senado at paulit-ulit na ginamit ang kanyang right against self-incrimination. Gail Mendoza