MANILA, Philippines – Sinimulan na ng pamahalaang lungsod ng Pasig ang pamamahagi ng cash assistance sa mga pamilyang lubhang naapektuhan ng pananalasa ng southwest monsoon na pinalakas ng bagyong Carina.
Ang mga apektadong pamilyang Pasigueño ay tatanggap ng P5,000 bilang tulong pinansyal. Nakatanggap na ng kanilang cash aid ang mga evacue-family mula sa tatlong evacuation center sa lungsod Miyerkules ng hapon.
“Kung may makikita pa tayong paraan para tumulong pa, di po tayong magdadalawang isip. Ito po ay dagdag tulong pinansyal para sa inyong pamilya, kung may kailangang bilihin o ipaayos ang tahanan, mula sa lokal na pamahalaan,” ani Mayor Vico Sotto.
Ayon sa pamahalaang lungsod, mayroong 2,800 evacuee-families sa 25 evacuation center noong kasagsagan ng pagbaha sa lungsod.
Magpapatuloy ang pamamahagi ng tulong pinansyal hanggang Agosto 2 para masakop ang mga pamilya mula sa natitirang 22 evacuation centers.
Samantala, bibigyan naman ng food packs ang mga apektadong pamilya na hindi nakalikas. Ang pamamahagi ng food packs ay nagsimula noong Lunes.
Magpapatupad din ang lungsod ng cash-for-work scheme para sa mga apektadong pamilya. Sila ay ta-tap para tumulong sa clearing operations kapalit ng renumeration. RNT