Home HOME BANNER STORY 25K miyembro ng Manibela lalahok sa 3-day transport strike

25K miyembro ng Manibela lalahok sa 3-day transport strike

MANILA, Philippines – Sinabi ng transport group na Samahang Manibela Mananakay at Nagkaisang Terminal ng Transportasyon (Manibela) nitong Sabado, Hunyo 8 na inaasahan nilang lalahok ang nasa 25,000 miyembro sa tatlong araw na tigil-pasada na magsisimula sa Lunes, Hunyo 10.

“‘Eto po kasing NCR (National Capital Region) ang pinaka concentration ng protesta at tigil pasada. Dito pa lang po hindi na bababa ng 25,000,” pahayag ni Manibela president Mar Valbuena sa panayam ng DZBB.

“Siguro dalwang lugar lang sa NCR ang hindi masyado maapektuhan tulad ng Makati at Mandaluyong,” dagdag pa niya.

Samantala, humingi naman ng paumanhin si Valbuena sa mga mananakay na maaapektuhan ng tigil-pasada.

“Sa mga mahal naming mananakay, sana maunawaan ninyo na mahirap din eto. Hindi lang sa pagsakay ninyo, apektado yung kabuhayan din namin ng tatlong araw,” aniya.

Nanawagan naman siya sa mga miyembro na iwasan ang anumang sakitan at komosyon sa mga awtoridad sa panahon ng rally.

“Dinadasal natin yan, sinasabi natin sa ating mga miymebro na sana wag magkasakitan o anumang komosyon. Wag lang sana magmiula sa gobyerno yung pag-provioke,” giit ni Valbuena.

“Madaming beses na tayong tinatakot na tayo ay huhulihin… Kasi hindi po maiiwasan ipaglalaban eto kahit ano mang paraan.”

Ang tigil-pasada ng grupo ay panawagan laban sa panghuhuli ng unconsolidated jeepneys.

Patuloy ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa panghuhuli ng unconsolidated public utility vehicles (PUVs) na ang mga prangkisa ay binawi na o napaso na matapos ang April 30 deadline.

Itinanggi naman ni LTFRB Chairperson Teofilo Guadiz III ang ulat na pumayag umano ang ahensya sa Kongreso na payagan ang unconsolidated jeepney drivers na magparehistro sa loob ng isang buong taon.

Ang transport strike ay gaganapin mula Hunyo 10 hanggang 12, 2024 kung saan nakatakdang lumahok dito ang mga miyembro ng Manibela mula sa Calabarzon, Central Luzon, Ilocos Region, at Cordillera Administrative Region.

Hindi naman nababahala rito ang Department of Transportation (DoTr) tungkol sa posibleng epekto nito sa pampublikong transportasyon.

“Sanay na po ang lahat ng agency. In fact, our commuters in Metro Manila sanay na po sa kanilang plano,” ayon kay DoTr Undersecretary Ferdinand Ortega.

Ang consolidation ng PUVs ay bahagi ng initial stage ng PUV modernization program ng pamahalaan kung saan dapat magconsolidate sa isang kooperatiba o korporasyon ang mga jeepney operator at driver. RNT/JGC