MANILA, Philippines – Umakyat sa 26 ang bilang ng mga nasawi dahil sa Habagat at Bagyong Inday, iniulat ng Office of Civil Defense (OCD) nitong Miyerkules, Hulyo 15.
Sa pinakahuling update ng OCD nitong alas-6 ng umaga, ang mga nasawi ay dahil sa pagkalunod at landslide.
Isa ang nasawi mula sa Iloilo, tig-dalawa sa Zamboanga Sibugay at Bukidnon, apat sa Davao Occidental, pito sa Lanao Del Sur at 10 sa Sarangani.
Samantala, siyam ang iniulat na nasaktan dahil sa landslide. Tig-iisa sa Marinduque, Davao Occidental at Sarangani, at tig-dalawa sa Benguet, Lanao del Sur, at Maguindanao Del Norte.
Mayroon namang 14 ang nawawala. Isa sa Maguindanao Del Sur, tig-dalawa sa Zamboanga Del Sur at Sarangani, apat sa Lanao Del Sur at lima sa Davao Occidental.
“Validation of the reported casualties is still ongoing,” sinabi ng OCD.
Sinabi pa ng ahensya na 244,000 pamilya o isang milyong indibidwal ang naapektuhan sa sama ng panahon.
Nananatili sa 86 evacuation centers sa buong bansa ang nasa 5,000 displaced families o 22,000 indibidwal.
Napaulat na mayroong 766 totally damaged houses at 853 partially damaged houses.
Tumaas sa P4.18 milyon ang pinsala sa imprastruktura habang P12.50 milyon naman sa agrikultura. RNT/JGC