Home NATIONWIDE Sarmiento itinalaga sa GPH Peace Panel

Sarmiento itinalaga sa GPH Peace Panel

1
0

MANILA — Itinalaga ng Malacañang si Presidential Adviser on Peace, Reconciliation and Unity Secretary Mel Senen Sarmiento bilang chairperson ng gobyerno sa Peace Implementing Panel ng usapang pangkapayapaan sa pagitan ng GPH at Moro Islamic Liberation Front.

Inanunsiyo ni Presidential Communications Office (PCO) Secretary Claire Castro ang appointment ni Sarmiento sa isang press briefing sa Malacañang noong Martes, Hulyo 15.

“Itinalaga rin po bilang Chairperson of Government Peace Implementing Panel for Government of the Philippines-Moro Islamic Liberation Front peace process si Sec. Mel Senen Sarmiento,” ani Castro.

Kasunod ito ng panawagan ng MILF para sa agarang pagtatalaga ng bagong chairperson ng GPH peace panel matapos magbitiw sa puwesto ang dating chair na si Cesar Yano.

Sa isang editorial na inilathala sa Luwaran.com, sinabi ng MILF na nasa “limbo” ang peace process dahil hindi pa natitiyak ng pamahalaan na gumagana ang sariling implementing structure nito.

“The peace process is in limbo, not because of the MILF, but because the government has yet to ensure that its own implementing structure is functional,” ayon sa kolum.

Iginiit din ng MILF na “the CAB, in practical terms, is in a state of suspension” dahil sa kawalan ng chairperson ng GPH panel.

Sa pagkakatalaga kay Sarmiento, mayroon nang chairperson ang GPH Peace Implementing Panel na magsisilbing counterpart ng MILF sa pagpapatupad ng Comprehensive Agreement on the Bangsamoro (CAB), at tumutugon sa leadership gap na binanggit ng MILF.

Nangyari ang appointment sa gitna ng patuloy na mga hamon sa Bangsamoro peace process, kabilang ang mga pangamba sa tiwala sa pagitan ng mga partido at sa pagpapatupad ng mahahalagang commitment sa ilalim ng CAB.

Nilagdaan ng GPH at MILF ang CAB noong Marso 27, 2014, matapos ang 17 taon ng peace negotiations.

Naging daan ang kasunduan sa pagtatatag ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) matapos pagtibayin ang Republic Act No. 11054, o ang Bangsamoro Organic Law (BOL). RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here