ABRA — Umabot na sa 645 ang naitalang kaso ng dengue sa Abra mula Enero hanggang Agosto 2026, habang tatlo ang nasawi dahil sa sakit, ayon sa datos ng Provincial Health Office (PHO) na iniulat ng Philippine News Agency.
May dengue cases na naitala sa 26 sa 27 munisipalidad ng lalawigan. Pinakamarami ang Bucay na may 98 kaso, sinundan ng Pilar na may 92, Bangued na may 76 at La Paz na may 60. Dalawa sa tatlong naitalang pagkamatay ay mula sa Pilar.
Dahil dito, pinaigting ng provincial government at mga lokal na pamahalaan ang kampanya laban sa dengue, partikular ang paglilinis ng mga komunidad at pag-aalis ng mga lugar na maaaring pamugaran at pangitlugan ng lamok.
Sa Bucay, na may pinakamataas na bilang ng kaso, nakikipagtulungan ang Provincial Government of Abra sa lokal na pamahalaan upang palakasin ang dengue prevention efforts at alisin ang mga posibleng mosquito breeding sites.
Nagsasagawa rin ang mga health authority ng surveillance sa mga lugar na may magkakalapit na kaso upang matukoy at mapuksa ang mga larvae ng lamok bago pa dumami ang mga ito. Ayon sa provincial government, kabilang din sa mga hakbang ng PHO ang pamamahagi ng 3,600 bed nets sa mga piling benepisyaryo bilang bahagi ng dengue prevention program.
Patuloy namang hinihikayat ang mga residente na regular na linisin ang kanilang kapaligiran at alisin o takpan ang mga lalagyan at lugar na maaaring maipunan ng tubig upang mabawasan ang pamumugaran ng lamok na nagdadala ng dengue. Mary Anne Sapico