BEIJING — Umabot sa 261 foreign nationals mula sa 23 bansa ang kabilang sa 546 kataong nawawala sa bahagi ng China matapos ang malawakang mudslide na tumama sa Gyirong Port sa Nepal-China border.
Ayon sa pinakahuling update ng Xizang regional government na inilabas ng Xinhua nitong Agosto 31, 16 na ang kumpirmadong nasawi sa Chinese side ng sakuna habang nagpapatuloy ang malawakang search and rescue operations.
Kabilang sa mga nawawala ang 104 Nepali, 49 Indian, 33 Latvian at 18 American nationals, bukod sa mga mamamayan mula sa iba pang bansa. Walang Pilipino sa listahan ng 261 foreign nationals na inilabas ng Chinese authorities.
Ayon sa imbestigasyon ng mga awtoridad, nagsimula ang sakuna nang bumigay ang bahagi ng glacier sa Mount Langtang Lirung sa Nepal noong Agosto 26.
Nagdulot ito ng ice-rock avalanche na naging malawakang debris flow at rumagasa nang humigit-kumulang 22 kilometro bago umabot sa Gyirong Port sa bahagi ng Tibet na tinatawag ng China na Xizang Autonomous Region.
Mahigit 2,100 rescue personnel na ang ipinakalat ng China kasama ang daan-daang sasakyan at libu-libong rescue equipment habang patuloy ang paghahanap sa mga nawawala.
Samantala, hiwalay na patuloy na pinaghahanap ang Pilipinong doktor na si Juan Carlos Manalo, na naiulat na nawawala rin matapos ang parehong Nepal-Tibet disaster.
Ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA), wala pa ring natatanggap na impormasyon hinggil sa kinaroroonan ni Manalo hanggang nitong Agosto 31. Nakikipag-ugnayan ang Philippine Embassy sa New Delhi at Philippine Honorary Consulate General sa Kathmandu sa mga awtoridad para sa paghahanap sa kanya.
Kasama umano si Manalo sa isang Kailash pilgrimage group at huling nalaman ng kanyang pamilya na nasa Gyirong border area ang grupo bago tumama ang sakuna.
Patuloy rin ang malawakang rescue operations sa Nepal, kung saan daan-daan ang nasawi at libu-libo pa ang nawawala matapos rumagasa ang baha, putik at debris sa mga komunidad at hydropower facilities. Dave Medina