MANILA, Philippines – Upang ipatupad ang repormang agraryo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. nakatakdang maglabas ang Department of Agrarian Reform sa Caraga (DAR-13) ng 2,696 certificates of land ownership award (CLOAs) sa mga farmer-beneficiaries sa Martes, Nob. 12, na sumasaklaw sa humigit-kumulang 4,092.4756 ektarya ng lupang pang-agrikultura.
Nabatid sa isang pahayag nitong Lunes, sinabi ng DAR-13 na ang pamamahagi ay magaganap sa provincial capitol grounds sa bayan ng Prosperidad, Agusan del Sur province, kung saan 2,491 agrarian reform beneficiaries mula sa Agusan del Sur at Surigao del Sur ang makakatanggap ng kanilang mga titulo ng lupa.
Ayon sa DAR ang mga CLOA ay bahagi ng proyektong Support to Parcelization of Lands for Individual Titling (SPLIT), isang pinagsamang inisyatiba sa pagitan ng gobyerno ng Pilipinas at ng World Bank.
Kaugnay nito pangungunahan nina DAR Undersecretary Rowena Taduran at DAR-13 Regional Director Merlita Capinpuyan ang kaganapan, kung saan 2,048 benepisyaryo mula sa Agusan del Sur at 443 mula sa Surigao del Sur ang nakatakdang tumanggap ng mga titulo ng lupa.
Kasama sa kabuuang lugar na sakop ng CLOA ang 3,290 ektarya sa Agusan del Sur at 802.4756 ektarya sa Surigao del Sur.
“Ang pamamahagi ng mga CLOA ay isang direktang resulta ng mga direktiba mula kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at DAR Sec. Conrado Estrella III upang mabilis na subaybayan ang pagpapatupad ng repormang agraryo,” sabi ng DAR-13. (Santi Celario)