MANILA, Philippines- May kabuuang 2,772 dating rebelde mula sa iba’t ibang bahagi ng bansa ang naghain ng kani-kanilang amnesty applications sa National Amnesty Commission (NAC) sa pamamagitan ng local amnesty boards (LABs).
Ito ang makikita sa datos ng pamahalaan.
Iniulat ng NAC na may 1,858 dating miyembro ng Communist Party of the Philippines – New People’s Army – National Democratic Front (CPP-NPA-NDF) ang nag-apply para sa amnestiya upang ang pagkakaroon nila ng criminal liability para sa nakalipas na political offenses ay maaalis, ang mga ito ang itinuturing na pinakamalaking grupo ng mga aplikante.
Samantala, 545 na dating miyembro ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) at 303 dating Moro National Liberation Front (MNLF) fighters ang nagsumite ng kanilang aplikasyon.
May 66 dating miyembro ng Rebolusyonaryong Partido ng Manggagawa ng Pilipinas/Revolutionary Proletarian Army/Alex Boncayao Brigade (RPMP-RPA-ABB) ay nagsumite rin ng kanilang amnesty applications bilang bahagi ng kanilang pagsisikap na magsimula ng panibagong buhay.
Ang LAB sa Catbalogan City sa Samar province ay nakapagrehistro ng pinakamataas na bilang ng mga aplikante na may 378, sinundan ng LAB-National Capital Region (NCR) na may 282; LAB-Bacolod na may 262; at LAB-Pagadian na may 243.
Nakapagtala naman ang LAB-Basilan ng 241 aplikasyon; LAB-Cotabato na may 240; LAB-Davao na may 236; at LAB-Iloilo na may 218.
Nagsimula naman ang NAC na tumanggap ng amnesty applications noong Marso 4, 2024 matapos na sang-ayunan ng Kongreso ang Proclamation Nos. 403, 405, at 406 ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na nagbibigay ng amnestiya sa mga miyembro ng RPMP-RPA-ABB, MILF, at MNLF, ayon sa pagkakabanggit.
Ang Proclamation No. 404 na nagkakaloob naman ng amnestiya sa mga miyembro ng CPP-NPA-NDF ay inayunan naman noong March 13, 2024.
Ang mga aplikante ay mayroong dalawang taon para maghain ng kanilang aplikasyon sa Local Amnesty Board (LAB) malapit sa kanilang lugar.
Ang mga dating miyembro ng RPMP-RPA-ABB, MILF, at MNLF ay maaaring maghain ng kanilang aplikasyon hanggang March 4, 2026, habang ang mga dating miyembro ng CPP-NPA-NDF o kanilang front organizations ay maaaring maghain ng kanilang aplikayson hanggang March 13, 2026.
Upang makahikayat pa ng mas maraming dating rebelde na isuko ang kanilang armas at magbalik-loob sa pamahalaan, para maka-avail ng amnesty program ng gobyerno, nag-organisa ang LAB sa Butuan ng kauna-unahan nitong amnesty program forum noong nakaraang Huwebes.
Binigyang-diin sa forum ang kahalagahan ng pagtutulungan at community involvement sa pagpo-promote at pagpapanatili ng kapayapaan.
Samantala, nagpahayag naman ng kanyang intensyon si Agusan del Norte Governor Ma. Angel Rosedell M. Amante-Matba, na gawing matagumpay ang layunin ng amnesty program ng gobyerno.
“What I want to happen [is] that we will be able to deliver the commitment of the government because we ask them (former rebels) to come back to government,” ang inihayag ng gobernador sabay sabing, “We want a LAB that is optimally functioning so they (former rebels) can go back to having normal lives.”
Nangako naman si Amante-Matba ng kanyang ‘full support’ sa amnesty program sa pamamagitan ng pagtanggap para pamunuan ang LAB, at magbigay ng office space, office equipment, at kung kinakailangan, karagdagang tauhan at iba pang suporta. Kris Jose