Home NATIONWIDE 27M enrollees inaasahan ng DepEd sa School Year 2025-2026

27M enrollees inaasahan ng DepEd sa School Year 2025-2026

MANILA, Philippines – Inaasahan ng Department of Education (DepEd) ang nasa 27 milyong enrollees mula preschool hanggang senior high school para sa School Year 2025 to 2026, ayon kay Assistant Secretary Jocelyn Andaya.

Dahil sa lumalagong populasyon ng mga estudyante, sinabi ni Andaya na patuloy na tutugunan ng DepEd ang kakulangan sa mga klasrum.

Sa datos, kulang ng 165,000 klasrum sa buong bansa kaya nais itong resolbahin ng DepEd sa pamamagitan ng public-private partnerships.

“We will be able to build 105,000 new classrooms, and we will accelerate it through the early procurement activities na pinupush natin ito. Nakikipag-coordinate closely tayo sa DPWH (Department of Public Works and Highways) sa ganitong bagay,” pahayag ni Andaya sa panayam ng DZBB.

“Ang gagawin natin ngayon ay titignan natin o kukumpunihin ang mga sira muna, at ating LGUs ay katuwang natin sa pag-purchase ng tables and chairs at pag-construct ng classrooms,” dagdag pa niya.

Anang DepEd, magsasagawa sila ng Oplan Balik Eskwela, kabilang ang Brigada Eskwela, mula Hunyo 9 hanggang 13.

Makatutulong ang programa para pagbutihin ang kondisyon ng mga klasrum.

“Meron po tayong sira-sirang mga tables at chairs, at ginagawan na po natin ng paraan. Kasama po yan sa ating gawing Brigada Eskwela ngayong Monday hanggang Friday. Titignan po natin ang bawa’t isang upuan ng mga bata para di sila masaktan; irerepair natin yun sa abot ng ating makakaya. Ongoing naman po ang ating procurement sa ganitong mga silya at mga desks,” sinabi pa ni Andaya.

“[Ang Brigada Eskwela] ay pagpapaganda sa ating mga paaralan, sa ating silid-aralan. Katuwang natin dito ang iba’t ibang sektor ng pamahalaan at lipunan, pati ang pampribadong sektor, maglilinis tayo ng mga paaralan at eskwelahan,” aniya.

Samantala, umaasa rin ang DepEd na mababawasan ang teacher shortage ngayong taon.

“There are 20,000 new items. Pag mafill po natin yan ngayon, 32,000 na lang mahigit ang ating shortage.” RNT/JGC