Home NATIONWIDE P230M shabu nadiskubre ng mga mangingisda sa Ilocos Sur

P230M shabu nadiskubre ng mga mangingisda sa Ilocos Sur

MANILA, Philippines – Aabot sa 37 paketa ng hinihinalang shabu na tumitimbang ng 34 kilo ang nadiskubre ng mga mangingisda sa magkahiwalay na barangay sa Sta. Cruz, Ilocos Sur nitong Sabado, Hunyo 7.

Sa ulat, naunang natagpuan ang 12 pakete ng shabu sa baybaying sakop ng Brgy. Dili. May bigat itong 12 kilo at nagkakahalaga ng P81.6 milyon.

Isinurender ito ng mga nakakitang mangingisda sa Sta. Cruz Municipal Police Station.

Sunod naman na nadiskubre ng ibang grupo ng mangingisda ay ang 25 pakete ng hinihinalang shabu sa Brgy. Mantanas.

May timbang naman itong 22 kilo at tinatyang nagkakahalaga ng P149.6 milyon.

Isinuko rin ng mga nakapulot ang naturang shabu sa pulisya.

Ayon kay P/Maj. Paul Vinsent Tadeo, hepe ng pulisya ng Sta. Cruz, nagpapatuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad kung saan nanggaling ang mga kontrabando at mga nasa likod nito. RNT/JGC