MANILA, Philippines – MAGDADALA ang 28 state-of-the-art Bagong Pilipinas mobile clinics ng agaran at high-quality healthcare services sa geographically isolated at disadvantaged areas (GIDAs) sa buong bansa.
Sa katunayan, pinangunahan nina Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at Unang Ginang Liza Araneta-Marcos ang turnover ceremony ng 28 Bagong Pilipinas mobile clinics sa Manila North Harbor Port sa Lungsod ng Maynila.
Sa naging talumpati ng Pangulo, Inamin nito na nakalulungkot na may mga tao mula sa “underserved at remote areas’ sa bansa ang may limitadong access sa healthcare.
“Para sa ating mga nakatira sa lungsod o bayan, madaling sabihin na ang pagpunta sa ospital o sa clinic ay isang mabilis na biyahe lamang. Pero sa ibang bahagi ng bansa, ang pagpunta dito ay parang isang masalimuot na paglalakbay,” ayon kay Pangulong Marcos.
“Minsan, kinakailangan pang sumakay ng bangka, maglakad ng ilang oras, magdasal na sana’y makarating ng ligtas, at magbabayad pa ng pamasahe. Dito natin makikita na hindi lang distansya ang kalaban kung hindi ang oras, ang pagod, ang gutom, ang pangamba, at ang gastos,” aniya pa rin.
Winika ng Chief Executive na ang donasyon ng mga bagong mobile clinic ay bahagi ng ‘extensive at long-term plan’ ng gobyerno sa ilalim ng 8-point action agenda para gawing mahusay ang health sector sa bansa.
Aniya pa, ang mga mobile clinic, kompleto sa medical equipment, ay magsisilbi bilang ‘innovative solution’ para makapagbigay ng mahalagang health services sa mga Filipino.
“Sa pamamagitan ng mga mobile clinic at sa tulong ng lokal na pamahalaan, inaasahan natin na mapapalapit ang serbisyong medikal sa mga lugar na matagal nang nangangailang ng higit na atensyon, ang mga geographically isolated and disadvantaged area o ‘yung tinatawag natin na GIDA,” ang sinabi ng Pangulo.
Sa naturang event, namahagi si Pangulong Marcos ng deed of donations sa 28 recipient provinces ng Bagong Pilipinas Mobile Clinics.
Ang mga recipient provinces ay ang Zamboanga del Norte, Zamboanga del Sur, Zamboanga, Camiguin, Misamis Occidental, Misamis Oriental, Lanao del Norte, Bukidnon, Davao Oriental, Davao Occidental, Davao del Norte, Davao del Sur, Davao de Oro, South Cotabato, at North Cotabato.
Ang iba pang lalawigan na magkakaroon din ng mobile clinic ay ang Sultan Kudarat, Sarangani, Agusan del Sur, Agusan del Norte, Surigao del Sur, Surigao del Norte, Dinagat Islands, Basilan, Lanao del Sur, Maguindanao del Norte, Maguindanao del Sur, Sulu at Tawi-Tawi.
Samantala, sinaksihan naman ng Pangulo ang pag-send-off ng unang 14 mobile clinics patungong Cagayan de Oro City sa pamamagitan ng roll-on/roll-off (RoRo) vessel.
Ang natitirang sasakyan ay iba-byahe naman sa General Santos City sa susunod na araw.
Pinangunahan ng Department of Health, ang mobile clinics ay kompleto sa iba’t ibang medical equipment gaya ng digital x-ray machine, portable ultrasound machine, hematology analyzer, chemistry analyzer, binocular microscope, clinical centrifuge at isang generator set. Kris Jose