MANILA, Philippines – Ibinabala ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), aabot sa 28 lugar sa bansa ang inaasahang makararanas ng “danger” level heat index sa Lunes, Mayo 11, 2026.
Batay sa five-day heat index forecast ng PAGASA, posibleng umabot sa 42°C hanggang 44°C ang init na mararanasan sa mga naturang lugar.
Kabilang sa may pinakamataas na 44°C ang Dagupan City sa Pangasinan, Aparri sa Cagayan, Casiguran sa Aurora, San Jose sa Occidental Mindoro, Cuyo sa Palawan, at Dumangas sa Iloilo.
Nasa 43°C naman ang mga sumusunod na lugar: Laoag City at Batac sa Ilocos Norte, Bacnotan sa La Union, Tuguegarao City sa Cagayan, Echague sa Isabela, Baler sa Aurora, Iba sa Zambales, Puerto Princesa City at Aborlan sa Palawan, Daet sa Camarines Norte, Masbate City sa Masbate, Roxas City sa Capiz, at Borongan sa Eastern Samar.
Nasa 42°C naman ang NAIA sa Pasay City, Sinait sa Ilocos Sur, Muñoz sa Nueva Ecija, San Ildefonso sa Bulacan, Sangley Point sa Cavite City, Infanta at Mulanay sa Quezon, Pili sa Camarines Sur, at Iloilo City sa Iloilo.
Ayon sa PAGASA, ang heat index na 42°C hanggang 51°C ay nasa ilalim ng “danger” category kung saan posibleng maranasan ang heat cramps at heat exhaustion, habang posible rin ang heat stroke sa matagal na exposure.
Mahigit 40 lugar naman ang inaasahang nasa “extreme caution” level na 33°C hanggang 41°C, habang ang Baguio City sa Benguet ay nasa “caution” level na 27°C.
Ang Benguet State University sa La Trinidad ay nakapagtala ng 26°C, habang 22°C naman sa Benguet Radar sa Tuba—parehong nasa “not hazardous” category.
Ang heat index ay tumutukoy sa nararamdamang init ng katawan kapag pinagsama ang temperatura at halumigmig ng hangin, na nagpapahirap sa katawan na magpalamig. Santi Celario