Home METRO 29 tablet tinangay ng LGU employee

29 tablet tinangay ng LGU employee

ECHAGUE, Isabela- Umabot sa 29 tablet ang ninakaw ng mismong empleyado sa opisina ng Municipal Planning and Development Office ng Echague, Isabela.

Ipinag-utos na ni PCol. Lee Allen B. Bauding, Provincial Director ng Isabela Police Provincial Office o IPPO kay PMaj. Rogelio Natividad, hepe ng Echague Police Station ang pagtugis na sinabing mismong empleyado ang suspek sa pagnanakaw sa Echague Municipal Planning and Development Office o MPDO na nasa loob mismo ng munisipyo kung saan nakuha ang 29 na mga bagong tablet.

Nadiskubre ng mga empleyado na nilooban ang kanilang opisina kung saan holiday noong Lunes kaya walang pumasok na empleyado.

Dito na nila nalaman na nawawala na ang naka-kartong 29 unit ng tablet na nagkakahalaga ng halos P300,000.

Sinubukan naman ng isang empleyado na mag-search online kung ibinebenta na ang mga ninakaw na tablet at nakita na na may ibinibentang kahalintulad ng unit sa lungsod ng Santiago.

Agad silang nakipag-ugnayan sa pulisya na nagsagawa ng operasyon at nalaman din na mayroon na ring impormasyon ang Santiago City Police Office Station 1 na may lalaking nagbenta ng maraming unit ng tablet sa bentahan ng mga secondhand na cellphone.

Natukoy naman kung sino ang pinagbentahan at nakuha rin ang pagkakakilanlan ng person of interest na empleyado mismo ng LGU Echague at 11 unit na lamang ng tablet ang narekober ng mga awtoridad.

Hanggang ngayon ay hindi rin matagpuan ang hindi pa pinangalanang empleyado at hindi pa rin pumapasok sa kanilang opisina para sana imbitahan ng pulisya para sa imbestigasyon.

Tuluyan nang sinampahan ng kaso ang empleyado ng LGU ng nasabing bayan habang nagsasagawa ng manhunt operation ang pulisya. Rey Velasco