Home NATIONWIDE 5 Chinese traders ipinadakip ng Kamara

5 Chinese traders ipinadakip ng Kamara

Manila, Philippines- Limang negosyanteng Chinese ang ipinaaresto ng Kamara matapos mabigong dumalo sa pagdinig sa kabila ng maraming imbitasyon.

Kabilang sa limang Chinese realty traders ang pinaghihinalaang drug lord na si Willie Ong na patuloy na iniisnab ang pagdinig ng House anti-drugs panel kaugnay sa pagkakahuli sa may 530 kilo ng shabu na nagkakahalaga ng P3.6 bilyon sa isang bodega sa Mexico, Pampanga noong Setyembre ng nakaraang taon.

Binigyang-diin ni Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers, chairman ng House Committee on Dangerous Drugs na matagal na naghintay ang komite sa tugon ng mga inimbitang resource persons at testigo laban kay Ong at mga kasama nito.

“This committee has been very patient with you but we have certain limitations. Those who were issued subpoenas yet still failed to attend are now being cited in contempt. The necessary warrants will be issued for their arrests in accordance with the Rules of the House,” giit ni Barbers.

Kasabay nito ay nagbanta ang mambabatas na hindi rin palalampasin ang mga walang pasabi kung makadadalo pa o hindi.

“Others not yet cited in contempt are given this last warning. If in the next hearing you will still be absent, we have no choice but to cite you in contempt.”

Ipinaliwanag ng mambabatas ang kapangyarihan ng Kamara sa ilalim ng Konstitusyon na magsiyasat “in aid of legislation” at obligahin ang mga testigo na dumalo sa pagdinig.

“This power carries with it the power of citing any of these persons in contempt should they fail to honor the invitations.”

Si Ong na may Chinese name na Cai Qimeng ay kabilang din sa nagmamay-ari sa Empire 999 Realty Corporation.

Ang mga kasamahan nito na ipinaaaresto din ng Kamara ay sina Aedy T. Yang, Elaine Chua, Michelle S. Sy at Jack T. Yang.

Base sa mga dokumentong naisumite sa komite ng Land Registration Authority (LRA), ang Empire 999 sa ilalim ng pamumuno ni Ong ay nakabili ng halos 320 titled prime lots na nahkakahalaga ng bilyong piso sa Central Luzon, Metro Manila at iba pang parte ng bansa.

“Napakahiwaga ng kumpanya na ito ni Willie Ong. Walang bank records o money trail sa kanilang mga transaksyon. Pati ang pagtatayo ng kanilang mga buildings at mga warehouses ay di ma-trace kung saan galing ang ginamit na pera. Malamang laundered money at cash basis ang ginawa nila sa kanilang mga transaksyon,” ayon pa kay Barbers.

Sa mga naunang imbestigasyon ng House anti-drugs panel, kasama ang National Bureau of Investigation, Philippine National Police, Philippine Statistics Authority, at Department of Foreign Affairs ay lumalabas na si Ong at nga kasamahan nito umano ay nagpapakilalabg mga Pilipino sa kanilang pakikipag-usap sa mga local at national government agencies.

“The Chinese incorporators of Empire 999 were able to secure fake documents like birth certificates and passports which they used to illegally buy 320 titled prime lands in various parts of Central Luzon, particularly in Pampanga, in Metro Manila, and other parts of the country.”

Kasabay nito ay nagpahayag ng pangamba si Barbers na ang bansa ay hindi malayong makontrol ng mga Chinese.

“Chinese personalities posing as Filipinos, bribing their way towards controlling our economy, grabbing our lands, committing various crimes such as money laundering and drug trafficking, controlling our politicians, and sowing disunity among the populace.”

Banggit pa ni Barbers na ang Department of Foreign Affairs ay kumikilos na para sa kanselasyon ng Filipino passport ni Ong dahil sa “misdeclaration and false statements, and lying under oath” sa pagkuha ng mga dokumento. Meliza Maluntag