MANILA, Philippines – Sinabi ng Presidential Anti-Organized Crime Commission na nakarekober sila ng mga video na nagpapakita ng pag-torture sa scam center, kasabay ng isinagawa nilang raid sa isang dorm para sa Philippine Offshore Gaming Operator workers ngayong linggo.
Ayon kay PAOCC Executive Director Gilbert Cruz, nasa 12 video ang narekober mula sa Chinese nationals na naaresto sa raid sa Pasay City.
“Cambodia ito, kasi nakikita nila na medyo maluwag pa ang galawan ng POGO operations doon. So that’s why they want to shift from Philippine operations to Cambodia. At least, naharang natin ito” ani Cruz.
Kabilang sa mga video na narekober ng PAOCC ay ang video kung saan makikita ang isang Chinese na lalaki na pinagbabantaan gamit ang isang baril, habang nakatali ang kamay nito.
Nasagip ang naturang Chinese national mula sa isang condominium unit sa Pasay City matapos itong dukutin, noong Pebrero 12.
Naaresto ng mga awtoridad ang dalawang Chinese nationals sa naturang pagsagip, at narekober din ang uniporme ng People’s Liberation Army.
Samantala, ipinanood din ang iba pang video kabilang ang mga sugatang lalaki na pinaluluhod.
Nanawagan si Cruz sa publiko na isumbong ang mga insidente na may kaugnayan sa POGO.
“At least ituro lang nila sa amin, so we can conduct our investigation and to pin down itong mga torturer, murderers na foreigners na hawak namin,” anang opisyal.
Minomonitor ng PAOCC ang mahigit 100 illegal POGO operations na patuloy na lumalabag sa ban na ipinatupad ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. RNT/JGC