MANILA, Philippines – Bagama’t hindi direktang sinagot ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang naging pahayag ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, tila may patama ito sa naging pahayag na dapat ay patayin ang incumbent senators para bigyang-daan ang mga kandidato ng PDP-Laban sa pagka-senador.
“Nakikita natin ang ibang partido… nagugulat sila, natatakot yata sila sa inyo dahil pag nakita ang line-up ng Alyansa ay kung anu-ano na ang sinasabi,” ani Marcos.
“Narinig lang natin nung isang araw, wala daw pag-asa siguro… wala silang pag-asa kaya papatay na lang sila ng 15 senador. Sabagay, mahirap naman ang ibang tao, ang iniisip lang nila ang kaisa-isang solusyon sa lahat ng problema ay pumatay pa ng Pilipino. Nakakapagtaka kung bakit ganoon,” dagdag ni Marcos.
Sa kabila ng kritisismo, batid ni Marcos ang perspective ng ibang political groups.
“Ngunit maiintindihan mo rin dahil kung ako nga ay nasa kabilang partido at itong mga ito ang kaharap natin, sasabihin ko, mahirap na kampanya ito dahil mabigat ang kalaban. Dahil kung kikilatisin natin sila isa-isa, napakatingkad po ng mga record nila, napakaganda ng kanilang mga naging performance sa kanilang iba’t-ibang inupuang mga posisyon sa pamahalaan,” anang Pangulo.
Matatandaan na sa proclamation rally ng PDP-Laban noong Huwebes, hinikayat ni Duterte na patayin na ang mga senador ngayon para mabakante.
“Kung makapatay tayo ng mga kinse na senador, pasok na tayong lahat… Talking of opportunities, the only way to do it is pasabugin na lang natin.”
Samantala sa speech ni Marcos, siniguro nito na ang senatorial candidates ng kanyang administrasyon ay walang kaugnayan sa extrajudicial killings o korapsyon lalo na sa panahon ng COVID-19 pandemic.
Iginiit din nito na hindi sila pro-China o pro-POGO.
“Hindi na tayo puwedeng ganoon. Huwag tayong papayag na bumalik ang Pilipinas sa panahon ng dilim. Huwag tayong papayag na ang Pilipinas ay babalik sa panahon ng lagim,” pahayag ni Marcos.
Kasabay nito, nanawagan siya sa publiko na suportahan ang kanilang senatorial slate na paraan umano upang mas umunlad pa ang bansa.
“Ito po ang ating pagkakataon na dalhin ang Pilipinas sa magandang lugar. Ito ang ating pagkakataon na maglagay po tayo ng ating mga lider na sila ang mangunguna para dalhin ang Pilipinas sa mas magandang kinabukasan,” dagdag niya.
“Bakit po ganoon? Bakit iyong ibang partido, bakit ‘yung ibang nagsasama ay hindi makapagbuo ng mabigat na ticket? Dahil po ang kanilang iniisip lamang ay kung papaano nila tutulungan ang kanilang sarili at manalo ng eleksyon,” pagpapatuloy nito. RNT/JGC