Home METRO 2K pamilyang nasunugan sa Isla Puting Bato inayudahan ni Sen. Revilla

2K pamilyang nasunugan sa Isla Puting Bato inayudahan ni Sen. Revilla

NASA halos 2,000 pamilya na nawalan ng tirahan sa naganap na malaking sunog sa Isla Puting Bato sa Tondo ang nabahagian ng tulong mula sa tanggapan ni Senator Ramon “Bong” Revilla, Jr. nitong Lunes ng hapon.

Personal na nagtungo sa Delpan Evacuation Center si Cavite 2nd District Representative Lani Revilla na kumatawan sa Senador sa pamamahagi ng mga food packs at tig-anim na litrong tubig sa may 1,864 na pamilya na pansamantalang nanunuluyan sa nasabing lugar.

Sa panayam sa kongresista, gagawa umano sila ng paraan ng kanyang asawa upang madagdagan pa ang tulong na kanilang ibibigay sa bawa’t pamilyang naninirahan sa Purok 1, 2, at 3, Brgy. 20 Zone 2 District 1 na naabo ang mga tirahan sa nangyaring sunog.

Aniya, kausap na nito si Brgy. Capt. Anthony Igus ng Isla Puting Bato upang magbigay ng listahan para sa mga pamilyang hindi pa nakakatanggap ng ayuda upang magawan nila ng paraan.

Ayon pa kay Rep. Lani Revilla, magpapadala umano ng sulat si Sen. Bong sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) upang mabigyan din ng tulong pinansiyal ang mga nasunugan sa pamamagitan ng tanggapan ng Senador.

Kaugnay nito, hihilingin din nila aniya sa Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) na magpadala ng construction materials bilang tulong sa mga pamilyang puwede pang magbalik sa kanilang tirahan sa oras na muling maitayo ang kanilang bahay.

Dakong alas-3 ng hapon nang dumating sa naturang evacuation center si Rep. Lani Revilla upang pangunahan ang pamamahagi ng dala nilang mga food packs at inuming tubig na labis na ikinagalak ng mga residenteng nasunugan. RNT